Nag-viral sa social media ang isang kwento na hindi lang nagpaluha sa mga netizen kundi pati na rin sa kilalang beauty and wellness brand na AVON Philippines.
Ang kwento ay unang lumabas sa Reddit, at kalaunan ay nai-share ng page na “Klasik Titos and Titas of Manila.” Sa post, ikinuwento ng uploader isang di-pinangalanang breadwinner kung paano siya naiyak nang makita ang isang maliit pero makabuluhang sorpresa mula sa kanyang ina: isang set ng bagong panty na isinilid nang palihim sa kanyang bag.
“Hindi ko napigilan humagulhol ako. Binili raw ni Mama, inipon niya sa mga natitira kong padala,” ani ni Ate.
Sa kwento niya, ibinahagi niyang abala siya sa pagtatrabaho at side hustles upang mapaghandaan ang graduation gift ng kanyang kapatid, motor parts ng tatay, at bagong cellphone ng kanyang ina. Sa dami ng responsibilidad, bihira na raw siyang umuwi, at sa huling pagbisita niya noong Holy Week, doon niya lang nadiskubre ang munting regalo.
Ang mas nakaaantig pa, lumaki raw silang magkakapatid na nagsasalitan sa iisang panty, at ngayon lang siya nagkaroon ng sariling branded na salawal—isang bagay na tila maliit, pero may malalim na emosyonal na halaga para sa isang taong sanay magbigay kaysa tumanggap.
Dahil dito, agad na naglabas ng pahayag ang AVON Philippines sa kanilang Facebook page:
“HELP US FIND ‘ATE’! We were moved by her story and we are actively looking for her since she posted on Reddit. Gusto namin siyang mapasaya.”
Sa ngayon, patuloy pa ring hinahanap ang misteryosang breadwinner.
Sa panahon ng matinding pagsubok at sakripisyo, may mga munting kilos ng pagmamahal tulad ng isang regalong panty mula kay Mama na nagpapaalala sa atin na may mga taong patuloy na nagmamahal at nagbibigay ng halaga sa ating ginagawa.
Ang kwento ni Ate ay hindi lang kwento ng pagod, kundi kwento rin ng pag-asa at pagmamahal. Kaya’t sa pagtutulungan ng netizens at ng AVON, umaasa ang lahat na mahanap siya at maiparamdam ang gantimpala na matagal na niyang ipinagkakait sa sarili.
“Ang layo ko na. Kaunti na lang, malapit na ako. Naniniwala ako.” – Ate, ang breadwinner na umantig sa puso ng bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento