Nag-viral at umani ng kontrobersya ang vlogger na si Boy Kayak matapos siyang makitang naka-brief at crop top habang nagmomotorsiklo sa isang pambansang kalsada sa Aklan. Sa nasabing video, kita rin ang kanyang pag-perform ng “Superman” pose habang umaandar ang motorsiklo—isang bagay na itinuturing ng Land Transportation Office (LTO) bilang reckless driving.
Agad na naglabas ng show cause order ang LTO-Aklan laban kay Boy Kayak at inutusan siyang ipaliwanag sa loob ng limang araw kung bakit hindi siya dapat patawan ng karampatang parusa.
“It was discovered that you were never granted any driver’s license by this Agency,” saad ng LTO sa kanilang sulat.
Bilang parusa, siya ay pinagmulta ng ₱3,000 at maaaring permanente nang hindi payagan na kumuha ng lisensiya sa hinaharap.
Hindi na itinanggi ni Boy Kayak ang mga paratang. Sa isang public statement, aminado siyang wala siyang lisensiya at handa siyang harapin ang anumang parusa.
“Wala. Wala akong lisensiya. ‘Yung mga tao, gusto ko lang na sila’y mapasaya,” saad niya.
“Handa akong harapin ang parusa ng LTO at tinatanggap ko rin ang mga batikos. Sana maintindihan nila na ginawa ko ‘yun for entertainment purposes lang. Wala naman akong tinatapakang ibang tao.”
Ang insidente kay Boy Kayak ay paalala sa publiko na kahit pa para sa entertainment o content creation, may hangganan pa rin ang kalayaan, lalo na kung ito ay nakakaapekto sa kaligtasan sa kalsada at pagsunod sa batas.
Bagama’t ang hangarin niya ay makapagpatawa, malinaw na ang ganitong mga gawain ay may kaukulang pananagutan. Sa kanyang pagtanggap ng parusa, makikita rin ang kababaang-loob at kahandaang itama ang pagkakamali—isang hakbang na sana'y magsilbing aral sa iba.
“Tinatanggap ko ang lahat, pero sana sa susunod, mas maging responsable ako bilang content creator,” — Boy Kayak
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento