Ipinipilit ni Senadora Loren Legarda na siya pa rin ang lehitimong Senate President Pro Tempore matapos kuwestiyunin ang ginawang pagtatalaga ng mga bagong opisyal ng Senado ng Gatchalian-bloc. Para kay Legarda, hindi valid ang reorganization dahil hindi umano naabot ang kinakailangang 13 boto para maghalal o magpalit ng mga opisyal ng mataas na kapulungan.
Hindi ito simpleng bangayan sa titulo. Ang pinag-uusapan dito ay kung legal ba ang mismong proseso ng pagpalit sa liderato. Kapag kuwestiyonable ang bilang, kuwestiyonable rin ang resulta. At kapag kuwestiyonable ang resulta, lahat ng susunod na kautusan, committee changes, at opisyal na galaw ng Senado ay maaaring mabahiran ng duda.
Ayon kay Legarda, walang senador ang maaaring valid na umakto bilang Senate President kung nakasandal lamang sa 12 boto. Iginiit niya na dahil 24 ang kabuuang bilang ng Senado, 13 ang majority. Sa kanyang posisyon, hindi sapat ang 12 senador para maghalal ng Senate President, Senate President Pro Tempore, Senate Secretary, Sergeant-at-Arms, at iba pang opisyal ng Senado.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento