Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi siya papayag na mapunta sa bulsa ng mga tiwali ang pinaghirapan ng sambayanang Pilipino. Ito ay matapos niyang pirmahan ang ₱6.793 trilyong 2026 National Budget nitong Enero 5, kasabay ng pag-anunsyo na kanyang vineto ang humigit-kumulang ₱92.5 bilyon na unprogrammed appropriations.
“Kasama ninyo kami sa layuning tiyakin na ang budget ng bayan ay para sa bayan. Hindi tayo papayag na mapunta sa kurakot ang pinaghirapan ng bawat Pilipino.” -Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, dadaan sa mahigpit na pagsusuri ang bawat programang nakapaloob sa national budget. Layunin nito na masiguro na ang pondo ay nakalaan lamang sa mga proyektong may malinaw, makatarungan, at kapaki-pakinabang na impact sa publiko.
Hindi raw siya magdadalawang-isip na putulin o harangin ang anumang item na hindi sumusunod sa tamang proseso o may indikasyon ng iregularidad.
Giit ng Pangulo, ang anumang bahagi ng budget na mapupunta sa mga tiwali ay direktang pagnanakaw sa kabuhayan at hinaharap ng milyun-milyong Pilipino, isang bagay na hindi niya pahihintulutan sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Sa kanyang pahayag, malinaw na ipinakita ni Pangulong Marcos ang posisyon ng administrasyon laban sa korapsyon: zero tolerance at mas mahigpit na oversight. Ang pag-veto sa ₱92.5 bilyon ay indikasyon ng mas seryoso at sistematikong pagprotekta sa pambansang pondo.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento