Matapang na sinagot ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro ang pahayag ni Batangas City 1st District Rep. Leandro Leviste, matapos nitong sabihin na maaaring kumpirmahin ng Malacañang at DPWH Sec. Vince Dizon ang umano’y listahan ng DPWH project proponents na ibinigay daw kay ex-DPWH Undersecretary Catalina Cabral.
“Sarili mong alegasyon ang mga iyan, at ikaw din ang naglabas. Huwag mong ipasa sa amin ang trabaho para patunayan ang dokumentong hindi naman galing sa DPWH. Hangga’t hindi galing sa official source, wala iyong probative value.” -Usec. Claire Castro
Ayon kay Castro, malinaw na si Leviste mismo ang naglabas ng listahan kaya hindi katanggap-tanggap na ipinapasa nito sa Palasyo ang trabaho ng pagbe-beripika kung tunay ba ang mga dokumentong hawak niya.
Giit ng Palasyo, walang opisyal na dokumentong nanggaling sa DPWH na nagpapatunay na ang listahan ni Leviste ay lehitimo. Dahil dito, hindi umano puwedeng diktahan ang gobyerno na kumpirmahin ang isang bagay na posibleng altered, edited, o peke.
Dagdag pa ni Castro, hindi dapat gawing tungkulin ng Malacañang na i-validate ang alegasyong hindi naman nila pinagmulan. Kung mayroon mang ebidensya si Leviste, aniya, siya ang dapat magpresenta nito sa tamang proseso at hindi dapat inuutos sa iba ang pagpapatunay sa sarili niyang paratang.
Ang isyu sa tinaguriang “Cabral Files” ay lalo pang umiinit matapos kuwestiyunin ng Malacañang ang kredibilidad ng mga dokumentong hawak ni Rep. Leandro Leviste. Sa halip na tumulong sa paglinaw ng katotohanan, lumalabas na nagpapasa ng responsibilidad ang kongresista upang makakuha ng kumpirmasyon mula sa gobyerno.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento