Diretsahang inamin ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na walang kapangyarihan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang impluwensyahan, pakialaman, o madaliin ang mga kasong may kinalaman sa flood control anomaly. Ayon sa kanya, malinaw ang batas at malinaw ang limitasyon: ang Pangulo ay hindi maaaring makialam sa proseso ng Ombudsman, DOJ, o ICI.
“Abangan po natin mas marami pang ipapakulong ang pangulo ngayon bagong taon. Wala pong kapangyarihan ang Pangulo na impluwensyahan o pabilisin ang kaso. Pero ang masisiguro ko: pagpasok ng bagong taon, mas marami pang makukulong sa mga sangkot sa flood control anomaly.” -Atty. Claire Castro
Gayunpaman, hindi raw nangangahulugan ito na walang mangyayari. Sa halip, iginiit ni Atty. Castro na mas marami pang makukulong pagpasok ng bagong taon dahil tuloy-tuloy ang pagsusuri, pag-proseso ng mga dokumento, at paglalatag ng mga kaso laban sa mga nasa likod ng anomalya.
Binanggit pa ni Castro na ang publiko ay hindi dapat magmadali sa paghihintay ng resulta. Aniya, mas mabuting masinsinang ebidensya ang kaharap ng mga prosecutor kaysa madaliin ang proseso na posibleng makasira sa buong kaso. "Mas delikado ang pagmamadali kaysa sa pagkakamali," paliwanag niya.
Dagdag pa niya, kahit walang direktang impluwensya ang Pangulo sa mga kaso, nakabantay ang administrasyon at determinado itong tapusin ang malakihang katiwaliang bumalot sa flood control projects. Ipinagmalaki rin niya na nasa Marcos administration lamang nagsimula ang pagsiwalat ng ganitong kalaking eskandalo na hindi tinakpan o inurungan.
Ang pahayag ni Atty. Claire Castro ay malinaw na mensahe na ang Malacañang ay hindi magtatago ng kahit sino, at hindi rin kikilos sa paraang labag sa batas. Habang walang direktang saklaw ang Pangulo sa proseso, nananatili raw ang determinasyon ng administrasyon na papanagutin ang lahat ng sangkot.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento