Isang nakakagulat na rebelasyon ang inilabas ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, matapos niyang ibunyag sa isang video ang diumano’y daan-daang bilyong pisong proyekto na ipinag-utos umanong isingit sa pambansang budget ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating Speaker Martin Romualdez.
Sa anim-na-minutong video na ibinahagi sa publiko ng kanyang dating staff sa House of Representatives, makikita si Co na seryoso at bakas ang takot habang isinasalaysay ang umano’y katiwaliang bumabalot sa flood control at infrastructure projects ng gobyerno.
“Hindi na ako mananahimik, ilalabas ko ang katotohanan,” ani Co. “Sana po ay hindi nila ako mapatay bago ko mailabas ang lahat.”
Sa parehong video, isiniwalat ni Zaldy Co ang isang malalim na ugnayan umano sa pagitan ni Pangulong Marcos at ni dating House Speaker Martin Romualdez hinggil sa mga “100 billion peso project insertions.”
Ayon sa kanya, mismong si Romualdez daw ang nagsabi ng linyang:
“Tinawagan ko po si dating Speaker Martin Romualdez at nireport ang instructions ng Presidente to insert the hundred billion projects at sinabi niya sa akin: ‘What the president wants, he gets.’”
Ang naturang pahayag ay nagdulot ng malawakang kontrobersiya, at marami ang nagtatanong kung may katotohanan nga ba sa mga paratang ni Co o ito ay isang hakbang para iligtas ang sarili mula sa mga kasong kinahaharap niya.
Ayon kay Co, matagal na niyang gustong ilantad ang sistema ng “kickback at insertion” sa ilang proyekto ng pamahalaan, ngunit pinipigilan daw siya ng takot at ng mga taong makapangyarihan. Ngayon daw ay handa na siyang magsalita, kahit kapalit nito ay ang kanyang kaligtasan.
Maraming netizens at political analysts ang naniniwalang ang rebelasyong ito ay posibleng magdulot ng malaking political storm, lalo na kung mapapatunayan ang mga paratang laban sa mga matataas na opisyal ng bansa.
Ang pagsisiwalat ni Zaldy Co ay maaaring maging isa sa pinakamalaking political revelations ng taon. Kung mapapatunayan ang kanyang mga paratang, maaaring magbunsod ito ng malawakang imbestigasyon at panibagong dagok sa administrasyon.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento