Ipinahayag ni Senator Risa Hontiveros na hindi niya isinasara ang posibilidad na tumakbo bilang Pangulo ng bansa sa 2028. Ayon sa kanya, nananatili siyang bukas sa anumang senaryong maaaring mabuo sa hanay ng oposisyon, basta’t ito ay para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Giit ng senadora, mahalagang magkaisa ang oposisyon at pagtuunan ng pansin ang mas malawak na layunin ng bansa, hindi lamang ang interes ng mga indibidwal na politiko.
“I’m not saying no. I’m open to all possibilities at yun din ang hinihiling ko sa lahat ng kasama sa oposisyon, maging bukas kami sa isa’t isa alang-alang sa bayan.” -Sen. Risa Hontiveros
Ang pahayag ni Hontiveros ay kasunod ng panawagan ni dating Senador Antonio Trillanes IV, na lantaran nang nagpahayag ng suporta sa kanya bilang posibleng presidential candidate ng oposisyon.
Ayon kay Trillanes, si Hontiveros umano ang “pinakaangkop na lider” para muling buuin ang tiwala ng mga Pilipino sa gobyerno.
Bagaman hindi pa nagpapatibay ng desisyon, nagbigay ng positibong senyales si Hontiveros na handa siyang tanggapin ang hamon kung ito ang kagustuhan ng mga Pilipino. Binanggit din ng senadora na kung sakaling pumasok siya sa halalan, hindi ito laban sa isang tao lamang, kundi laban sa lumalalang sistema ng korapsyon, kawalang-pantay, at pang-aabuso ng kapangyarihan.
Habang papalapit ang 2028 national elections, nagiging mas malinaw ang posibilidad na si Senator Risa Hontiveros ay maaaring maging pangunahing kandidato ng oposisyon.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento