Mariing tinutulan ni Navotas Representative Toby Tiangco ang panukalang house arrest o bail para kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, na nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng bilyon-bilyong anomalya sa flood control projects. Ayon kay Tiangco, malinaw sa batas na non-bailable offense ang plunder at walang puwang ang mga “special treatment” sa mga nasasangkot sa malalaking kaso ng korapsyon.
“Ano siya sineswerte? Kung ordinaryong mamamayan nakakulong agad, siya may sariling kama? Pero kapag bilyon-bilyon, gusto pa sa bahay?” - Rep. Toby Tiangco
Giit ng kongresista, hindi dapat magkaroon ng puwang ang mga “palusot” para sa mga makapangyarihang opisyal o negosyante. Aniya, kapag pinayagan ang ganitong mga kondisyon, magiging insulto ito sa mga ordinaryong Pilipino na walang kapangyarihang magpaikot ng batas.
Binatikos din ni Tiangco ang mungkahi ni Atty. Ruy Rondain, abogado ni Co, na posibleng umuwi ang dating kongresista kung papayagan siyang magpiyansa o manatili sa house arrest dahil umano sa banta sa kanyang kaligtasan.
Sa matapang na paninindigan ni Rep. Toby Tiangco, muling binigyang-diin na ang batas ay dapat pantay sa lahat mayaman man o mahirap, opisyal man o ordinaryong mamamayan. Aniya, hindi kailanman dapat gamitin ang impluwensya o posisyon upang makaiwas sa pananagutan. Para sa kanya, ang tunay na hustisya ay iyong ipinapatupad nang walang takot, walang pabor, at walang bahid ng politika.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento