Ipinahayag ni Finance Secretary Ralph Recto na posibleng ipatupad ang pagtaas ng buwis sa unang quarter ng 2026 bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang mapatatag ang ekonomiya ng bansa matapos maitala ang pinakamababang GDP growth mula noong pandemya.
"Alam kong mabigat para sa ilan, pero kung hindi tayo kikilos ngayon, mas lalo tayong mahihirapan sa mga darating na taon. Ang layunin ng buwis na ito ay hindi para pahirapan ang tao, kundi para patatagin ang bansa at mapanatili ang serbisyo ng gobyerno." -Ralph Recto
Ayon kay Recto, ang karagdagang buwis ay layuning mapalakas ang kita ng gobyerno upang masuportahan ang mga pangunahing programa sa kalusugan, edukasyon, at imprastruktura. Ngunit aminado siyang ang mas maaapektuhan dito ay ang lower at middle-class workers na bumubuo sa malaking bahagi ng populasyon ng bansa.
Paliwanag ni Recto, hindi ito madali ngunit kailangang gawin upang makabangon ang ekonomiya mula sa pagbagal ng produksyon at kita ng gobyerno.
“Ang buwis ay hindi parusa, kundi puhunan para sa kinabukasan ng ating bansa,” aniya.
Ayon sa Department of Finance, ginagamit umano ng gobyerno ang mga nalilikom na pondo para mapondohan ang mga proyekto at serbisyo publiko tulad ng mga libreng gamot, modernisasyon ng mga ospital, at pagpapagawa ng mga kalsada.
Gayunpaman, hindi ito nagustuhan ng maraming manggagawang Pilipino.
Marami ang nangangamba na mas lalo lang tataas ang presyo ng bilihin at mas lumiit ang kanilang take-home pay. Sa social media, bumuhos din ang galit ng publiko na nananawagang magkaroon muna ng transparency at anti-corruption measures bago magpatupad ng panibagong buwis.
Ang anunsyo ni Finance Secretary Ralph Recto ay nagbukas ng panibagong diskusyon tungkol sa balanse sa pagitan ng pangongolekta ng buwis at kapakanan ng mamamayan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento