Sa likod ng bawat ngiti ng mga manggagawang Pilipino, may mga kwentong hindi natin agad nakikita. Isa na rito ang kwento ni Nanay Agnes Perez, isang ina, isang Person with Disability (PWD), at isang huwarang Pilipino na hindi nagpapapigil ng kahirapan o kapansanan para lang maitaguyod ang sarili.
“Hindi ko naman pinili maging PWD, pero pinipili ko pa ring lumaban araw-araw. Kahit mahirap, kahit maliit ang kita, basta marangal. Sana balang araw, may magbukas ng pinto para sa tulad kong nangangarap lang ng konting ginhawa sa buhay.” -Agnes Perez
Si Nanay Agnes, taga Mexico, Pampanga, ay nagtatrabaho bilang tindera ng burger machine sa Sanguin, Pampanga. Araw-araw, labindalawang oras siyang nagtatrabaho, pero ang kinikita niya ay P200 lamang kada araw malayo sa itinakdang minimum wage. Sa halagang iyon, P80 pa ang binabawas niya para sa pamasahe, kaya’t P120 na lang ang tunay niyang naiuuwing kita.
Ayon sa concerned citizen na si Miranda, nakita nilang pawisan at pagod si Nanay Agnes habang naka-duty. Nang kanilang malaman ang kanyang kundisyon at kalagayan, hindi nila napigilang maawa.
“Sabi niya 200 lang daw sahod niya tapos 12 oras siyang nagtatrabaho. Mexico pa siya galing, tapos dito pa sa Sanguin naka-assign. Minsan daw, sa tricycle na lang siya natutulog para makatipid sa pamasahe,” bahagi ng viral post.
Hindi rin madali ang sitwasyon ni Nanay Agnes dahil may kapansanan siya sa pananalita, dahilan kung bakit hirap siyang makahanap ng ibang trabaho. Hindi rin siya nakapagtapos ng pag-aaral, at sa kanyang edad, aminado siyang baka wala nang tumanggap sa kanya.
“Nahihiya na raw siyang mag-apply kasi baka hindi siya maintindihan. Sabi pa niya, matanda na rin daw siya at baka wala na ring magbigay ng oportunidad,” dagdag ni Miranda.
Sa kabila ng lahat, hindi sumusuko si Nanay Agnes. Tinanggap niya ang trabahong may maliit na sahod, hindi dahil sa kawalan ng pangarap, kundi dahil sa kawalan ng mapagpipilian. At gaya ng isang tunay na bayani, tiniis niya ang lahat para lang magpatuloy sa buhay.
Hindi lahat ng bayani ay nasa kasaysayan ang ilan ay matatagpuan sa mga kalsada, nagtitinda, nagsusumikap, tahimik na lumalaban araw-araw. Si Nanay Agnes ay simbolo ng tatag, pag-asa, at sakripisyo. Sa kanyang kwento, muling napagtanto ng maraming Pilipino na hindi hadlang ang edad, kakulangan sa edukasyon, o kapansanan para mabuhay nang marangal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento