Bilang tugon sa matinding pinsala ng Bagyong Crising at patuloy na pag-ulan dulot ng habagat, inilunsad ng Marcos Administration ang agarang pagbibigay ng P360 milyon na halaga ng ayuda at relief goods para sa 36 congressional districts na lubhang naapektuhan ng pagbaha.
“Hindi natin hahayaang magutom, maghintay, o mawalan ng pag-asa ang ating mga kababayan. Agarang tulong ang nararapat, hindi pangakong matagal. Sa tulong ng bawat ahensya, titiyakin nating makakarating sa bawat tahanan ang ayuda.” -Martin Romualdez
Ang tulong pinansyal ay bahagi ng programang Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), na ipapamahagi sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ayon sa ulat, P10 milyon ang ilalaan sa bawat distrito upang matiyak na ang tulong ay direktang makakarating sa mga nangangailangan.
Bukod sa tulong pinansyal, food packs at mainit na pagkain ang ipinamimigay sa mga evacuees na pansamantalang naninirahan sa evacuation centers, gaya ng mga paaralan at covered courts. Kasama rin sa operasyon ang Relief Coordination Desk, na muling in-activate upang tulungan ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng national agencies, local government units (LGUs), at mga apektadong mamamayan.
Ang operasyon ay isinasagawa sa pakikipag-ugnayan sa opisina ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at ng Tingog Party-list, na layuning mapabilis ang pagresponde sa mga nasalanta at maiwasan ang pagkaantala gaya ng sa mga nagdaang sakuna.
“Inagahan natin ang paglalabas ng pondo para maiwasan ang pagkaantala ng ayuda at agarang maiparating ito sa mga nangangailangan,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Kabilang sa mga lugar na makatatanggap ng tulong ay mga lugar sa Metro Manila, partikular sa Marikina, Quezon City, at ilang bahagi ng Luzon. Nagsimula na rin ang pamamahagi ng mainit na pagkain sa ilang evacuation centers.
Ayon sa PAGASA, patuloy pa rin ang banta ng matinding pag-ulan sa mga susunod na araw. Kaya't hinihikayat ang lahat ng residente sa mga low-lying at flood-prone areas na manatiling alerto at sumunod sa abiso ng mga otoridad.
Sa harap ng trahedya, ang mabilis at konkretong aksyon ng pamahalaan ang tunay na kinakailangan. Ang P360 milyong ayuda na inilaan sa mga binahang lugar ay hindi lamang simbolo ng suporta, kundi aktwal na pagtulong sa mga Pilipinong nangangailangan. Ang ganitong pagkilos ay patunay na may pag-asa kapag ang gobyerno at mamamayan ay nagtutulungan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento