Hindi mapigilan ng mga tagahanga ang pagdagsa sa Kamuning Bakery Café sa Quezon City nitong Hunyo 21 upang gunitain ang ika-72 na kaarawan ni Nora Aunor, kahit pa pumanaw na ang tinaguriang Superstar noong Abril 16, sa edad na 71.
“Ang Pan de Nora ay hindi lang tinapay, kundi alaala. Gawa ito para gunitain ang isang alamat. Sa bawat kagat, may konting Nora Aunor kang mararamdaman.” -Kamuning Bakery Café
Inilunsad ang “Pan de Nora,” isang natatanging tinapay na ginawa bilang tribute sa National Artist for Film and Broadcast Arts. Mula alas-7 ng umaga, mahigit 500 piraso na agad ang na-pack para sa mga advance orders pa lamang.
“Kaya siya tinawag na Pan de Nora, kasi po nilagyan namin siya ng nunal… ‘yung nunal po ay raisin, at tsaka ‘yung nasa loob po ay butter and cheese,” ayon kay Noren Olivar, isa sa mga staff ng bakery.
Ang tinapay ay may melty cheese at buttery filling, at may nunal sa ibabaw—gamit ang raisin—na sumisimbolo sa iconic na marka ni Ate Guy.
Isa sa mga naunang bumili ay isang fan na lumaki sa panonood ng mga pelikula ni Nora Aunor.
“Parang bumalik ako sa pagkabata. Naalala ko ‘yung nanay ko na laging nanonood ng pelikula ni Ate Guy kasama kami,” aniya.
May isa namang customer na inutusan lang daw ng boss niyang bumili ng tinapay, pero matapos matikman ay bumili na rin siya para sa sarili.
“Parang melty with cheese, tapos hindi siya parang hangin lang sa loob. Talagang swak na swak. Worth it talaga ‘yung pagbili mo… bibili ako ulit kasi masarap talaga,” kwento niya.
Bagamat wala na si Nora Aunor, ang kanyang buhay, karera, at tatak ay patuloy pa ring isinusulong—sa pelikula man o sa pan de sal.
Ang tagumpay ng “Pan de Nora” ay patunay na kahit wala na si Nora Aunor, ang kanyang legacy ay buhay na buhay pa rin sa puso ng sambayanang Pilipino. Mula sa sinehan hanggang sa bakery, ang alaala ni Ate Guy ay nananatiling inspirasyon, hindi lang sa sining kundi maging sa simpleng panaderya.
Sa bawat kagat ng Pan de Nora, tila may kasamang pag-alala, pagmamahal, at pagbibigay-pugay sa isang artistang hindi kailanman malilimutan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento