Advertisement

Responsive Advertisement

PBBM NANAWAGAN SA MGA OFW: "BUMOTO KAYO ONLINE PARA SA BAGONG PILIPINAS!"

Biyernes, Mayo 9, 2025

 


Sa nalalapit na Halalan 2025, hinikayat ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang lahat ng mga Pilipinong nasa ibang bansa na makilahok sa eleksyon sa pamamagitan ng Online Voting and Counting System (OVCS) ng Commission on Elections (Comelec).


“Gamitin natin ang karapatang ito. Piliin natin ang kandidatong may malasakit, kakayahan at may paninindigan. Sa tamang pagpili, sama-sama nating buuin ang isang Bagong Pilipinas.” -PBBM


Sa isang video message na inilabas ngayong Huwebes, ipinahayag ng Pangulo na ang bagong sistemang ito ay mas mabilis, mas ligtas, at mas madali para sa overseas voters na makaboto—kahit saan man sila sa mundo.


Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Marcos na panahon na para mas mapadali ang pagboto ng mga Pilipino sa ibang bansa. Dahil dito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng Online Voting and Counting System (OVCS) ng Comelec, na nagsimula nang enrollment noong Marso 20 at pinalawig hanggang Mayo 10, 11:59 PM.


“Tuluy-tuloy po ang overseas voting para sa Halalan 2025. Ito po ang inyong pagkakataong makilahok sa kinabukasan ng ating bayan,” sabi ni Marcos.


Ipinagmalaki rin ng Pangulo na sa bagong sistema, hindi na kailangan pang pumila o bumiyahe sa embahada, basta’t makakapag-enroll at may internet access, makakaboto na.


“Ngayon, mas madali na ang pagboto. Kahit nasaan kayo sa mundo, hindi na kailangang pumila o bumiyahe,” dagdag pa niya.


Ang pagboto ay hindi lang karapatan kundi isang sagradong tungkulin ng bawat Pilipino—kahit saan mang dako ng mundo. Sa pagsulong ng online voting system, isa itong malinaw na hakbang tungo sa isang mas inklusibong demokrasya. Sa pamamagitan ng tamang pagpili, sama-sama nating maitatag ang isang mas maayos at progresibong Bagong Pilipinas.


Kung ikaw ay isang OFW o may kakilala ka sa abroad, iparating mo na: bumoto online, makilahok sa kinabukasan ng bayan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento