Advertisement

Responsive Advertisement

COMELEC NAGPAALALA: BAWAL NA ANG KAMPANYA, PATI SOCIAL MEDIA POSTS, SIMULA NGAYON MAY 11

Linggo, Mayo 11, 2025

 



Opisyal nang nagtapos ang campaign period ngayong Linggo, Mayo 11, ayon sa Commission on Elections (Comelec). Mahigpit na ipinapaalala ng ahensya na bawal na ang anumang uri ng pangangampanya, kabilang na ang mga social media posts, house-to-house rounds, at pagpapakalat ng campaign materials gaya ng tarpaulin at poster.


“Tiwala kami na magiging maayos at mapayapa ang halalan. Ang hiling lang po namin, makiisa ang lahat para sa isang malinis at tapat na eleksyon. Iwasan na po ang kahit anong kampanyahan, lalo na sa social media. Sama-sama nating itaguyod ang tunay na demokrasya.” - CHAIRMAN GEORGE GARCIA


Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, simula Mayo 11, kahit simpleng post sa social media na nag-eendorso ng kandidato ay maituturing na paglabag sa election rules.


“Pakipatanggal na po kasi baka ma-consider ‘yan na kampanyahan pa rin. At siyempre kahit sa social media,” giit ni Garcia.


Paalala rin ng Comelec, bawal ding mag-ikot ang mga kandidato sa araw ng halalan, kahit pa nakaboto na sila. Anumang aktibidad na magmumukhang pangangampanya ay maituturing na “last-minute campaigning.”


Pinapayagan pa rin naman ang pagsusuot ng anumang kulay ng damit, basta’t walang pangalan o larawan ng kandidato. Sa madaling salita, ang simpleng kulay ay hindi bawal, pero kung may "Vote for ___" o mukha ng kandidato, tiyak na paglabag ito.


Ayon pa kay Chairman Garcia, parehong mananagot ang mga nagbibigay at tumatanggap ng pera kapalit ng boto. Anumang indikasyon gaya ng sobre o larawan ng kandidato kasabay ng pera ay itinuturing na vote-buying at mahigpit na babantayan ito ng mga otoridad.


“Paglabas ng botante, may sobre o may picture ng kandidato—‘yan ang vote-buying, at ‘yan ang babantayan namin,” dagdag niya.



Sa pagtatapos ng campaign period, muling pinapaalala ng Comelec na ang halalan ay hindi dapat lamangan sa huling sandali. Panahon na para pumili ng tama, magbantay ng malinis na eleksyon, at igalang ang batas. Sa tulong ng bawat mamamayan, maabot natin ang isang halalan na tunay na makatao, patas, at makabayan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento