Bilang paghahanda sa midterm at Bangsamoro elections ngayong Mayo 13, 2025, magpapatupad ng nationwide liquor ban ang Commission on Elections (Comelec) simula Mayo 11 hanggang Mayo 12, base sa Comelec Resolution No. 10999.
“Ayaw po naming may pumuntang presinto na amoy alak o lasing. Hindi po ito kasayahan, ito ay sagradong tungkulin bilang mamamayan. Panahon ito ng pagiging responsable sa pagpili ng ating mga susunod na pinuno.” - CHAIRMAN GEORGE GARCIA
Sa panahon ng liquor ban, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi, at pag-inom ng alak sa buong bansa. Layon ng hakbanging ito na maiwasan ang kaguluhan at masigurong maayos ang halalan sa darating na Lunes.
Ayon kay Comelec Chair George Garcia, may mga exemption lamang para sa mga hotel at establisimyentong accredited ng Department of Tourism na pangunahing nagsisilbi sa mga dayuhang turista. Ngunit kahit doon, kailangan ay may pormal na permiso mula sa Comelec.
“Liquor drinkers, take a break. Mas mainam po na malinaw ang isip at disente ang kilos sa araw ng pagboto,” ayon kay Garcia.
Kasabay ng liquor ban, bawal na rin ang lahat ng uri ng pangangampanya simula Mayo 11. Ibig sabihin, hindi na pinapayagan ang:
Pamimigay ng campaign materials
Pagsusuot ng damit na may pangalan ng kandidato
Pag-ikot ng mga kandidato sa araw ng halalan
Paglalagay o pagtanggal ng campaign posters
Ang sinumang lalabag ay maaaring makasuhan o masuspinde ang kandidatura depende sa bigat ng paglabag.
Sa layuning magkaroon ng maayos, mapayapa, at tapat na halalan, nanawagan ang Comelec sa lahat ng botante na sumunod sa liquor ban at umiwas sa anumang uri ng pangangampanya. Hindi ito panahon ng saya—ito ay panahon ng pagkilos at pagpili ng mga tamang lider para sa kinabukasan ng bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento