Matapos maitala ang pagbaba ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa ikatlong quarter ng taon, nagpahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng katiyakan na mababawi ng administrasyon ang pagbagal ng ekonomiya sa lalong madaling panahon.
Ayon sa Pangulo, ang pagbaba ng GDP ay bunga ng ilang krisis at anomalya na kinakaharap ng bansa, kabilang na ang imbestigasyon sa flood control projects na nagdulot ng pagkaantala sa ilang government spending at infrastructure programs.
“We are not the only one suffering. Ang buong mundo ay dumadaan din sa hamon ng inflation at global instability. Pero gagawin namin ang lahat para makabawi ang ekonomiya ng Pilipinas,” ani Marcos.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumagal ang GDP growth ng bansa sa third quarter, ang pinakamabagal na paglago mula noong pandemya. Ayon sa mga eksperto, bukod sa pandaigdigang inflation, nakadagdag din ang pag-freeze ng ilang proyekto ng gobyerno dahil sa mga imbestigasyong isinasagawa sa flood control funds.
Ipinahayag ni Pangulong Marcos na bagaman naapektuhan ang ekonomiya, mas mahalagang tiyakin na ang mga pondo ng bayan ay ginagamit nang tama at walang halong katiwalian.
Ipinaliwanag din ng Pangulo na ang paghina ng ekonomiya ay hindi natatangi sa Pilipinas. Maraming bansa sa Asya at Europa ang kasalukuyang nakararanas ng pagtaas ng presyo ng bilihin, pagbaba ng export demand, at pagbaba ng foreign investments.
Sa kabila ng pagbagsak ng GDP growth sa ikatlong quarter, ipinakita ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang pananaw ng pag-asa at determinasyon na mabawi ang sigla ng ekonomiya. Habang patuloy ang laban sa katiwalian at mga anomalya, tiniyak ng Pangulo na hindi titigil ang gobyerno sa pagsisikap na maibalik ang tiwala ng publiko at ang lakas ng ekonomiya ng bansa.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento