Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na maaari nang isailalim sa deportation proceedings si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque matapos kanselahin ng Regional Trial Court Branch 157 ng Pasig City ang kanyang pasaporte dahil sa kasong human trafficking.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang kanselasyon ng pasaporte ay nangangahulugang bawal nang umalis ng bansa ang mga akusado at maaari na rin silang ipadeport kung kasalukuyang nasa ibang bansa.
"Walang pasaporte, walang karapatang bumiyahe. At kung nasa ibang bansa ka, maaari ka nang ipa-deport." -DOJ
Ipinaliwanag ni Martinez na kapag kanselado na ang pasaporte, hindi na maaaring lumabas ng bansa o makalipat sa ibang estado ang isang akusado, dahil mawawalan na ito ng legal travel document. Kung nasa ibang bansa man umano si Roque, maaaring limitahan ng host country ang kanyang galaw at isailalim siya sa deportation process.
Dagdag pa ni Martinez, kung sakaling nasa isang ASEAN member state ang mga akusado, madali umanong makipag-ugnayan ang DOJ sa pamamagitan ng Bureau of Immigration (BI) upang ipaalam ang pagkansela ng kanilang pasaporte.
Ang desisyon ng DOJ laban kay Harry Roque ay isang malinaw na pagpapakita ng pagpapatupad ng batas nang walang kinikilingan. Habang inaabangan ng publiko ang magiging tugon ni Roque, nananatiling buo ang paninindigan ng DOJ na hindi maaaring gamitin ang posisyon o koneksyon upang takasan ang pananagutan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento