Habang papalapit ang Bagyong Uwan, isa sa mga pinangangambahang bagyo ngayong taon, umani ng atensyon ang pahayag ni Isabela Governor Rodolfo Albano III matapos niyang batikusin ang paraan ng pagbibigay-babala ng PAGASA na aniya ay “madalas nakakapagdulot ng takot at sobrang pag-aalala” sa mga mamamayan.
Sa isang panayam nitong Biyernes, sinabi ng gobernador na mahalaga ang kalmado at tamang impormasyon sa panahon ng kalamidad.
“Baka naman nerbyosin yung mga tao at mag-panic. Chill lang, handa naman tayo dito sa Isabela,” pahayag ni Gov. Albano.
Ayon sa kanya, dapat maging maingat ang mga ahensya ng gobyerno sa paggamit ng mga salita sa pagbibigay ng weather advisory, dahil aniya, “ang sobra-sobrang babala ay minsan nagiging sanhi ng panic buying, paglikas ng wala sa oras, at stress sa mga mamamayan.”
Gayunman, nilinaw ng gobernador na hindi niya minamaliit ang kakayahan ng PAGASA, bagkus ay hinihikayat lamang niya ang ahensya na gumamit ng mas kalmadong approach sa paghahatid ng impormasyon upang hindi agad mangamba ang publiko.
Sa kabila ng kanyang paalala ng “chill lang,” tiniyak ni Gov. Albano na handa ang lalawigan ng Isabela sa anumang posibleng epekto ng Bagyong Uwan. Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nakahanda na ang mga rescue team, evacuation centers, at relief goods sakaling lumala ang sitwasyon.
Hati ang naging reaksyon ng mga netizens sa pahayag ni Albano. May ilan ang sumang-ayon sa gobernador, sinasabing totoong minsan ay nagiging sobra ang mga weather warnings na nagdudulot ng takot sa halip na paghahanda.
Habang papalapit ang Bagyong Uwan, malinaw na ang pahayag ni Governor Rodolfo Albano ay naglalayong patahimikin ang takot ng publiko at hikayatin ang maayos na paghahanda sa halip na panic. Gayunman, paalala rin ito na ang balanseng komunikasyon at maagap na aksyon ang pinakamabisang sandata laban sa anumang kalamidad.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento