Muling naging usap-usapan sa social media ang pangalan ni Gina Lopez, matapos mag-viral ang mga lumang pahayag niya tungkol sa pagsira ng kalikasan at epekto nito sa mga mahihirap. Marami sa mga netizens ang nagsabing, “She was right all along. But they silenced her.”
Matatandaan na sa loob lamang ng unang anim na buwan ng kanyang panunungkulan bilang Secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2016, ipinasara ni Gina Lopez ang 23 mining operations at kinansela ang halos 75 mining contracts na nakitang lumalabag sa mga batas pangkalikasan.
Ang kanyang mga hakbang ay tinawag ng ilan bilang “radikal pero makatao.” Subalit, nagdulot ito ng galit mula sa mga malalaking mining companies at ilang pulitiko na umano’y may interes sa industriya ng pagmimina.
Noong Mayo 2017, hindi siya na-confirm ng Commission on Appointments sa kabila ng kanyang malakas na suporta mula sa publiko at mga environmental groups. Ang dahilan umano ay “kawalan ng due process,” ngunit marami ang naniniwalang pinatahimik siya dahil tinamaan niya ang interes ng mga makapangyarihang sektor.
Sa isang panayam noon, sinabi ni Lopez: “Sino ang nagdurusa kapag winawasak ang kalikasan? Sino? ’Yung mahihirap! Dahil sila ang unang tinatamaan ng baha, landslide, at gutom.”
Mula noon, nanatiling buhay ang kanyang mga aral sa mga Pilipino, lalo na tuwing may kalamidad. Sa mga pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng kapabayaan at labis na pagmimina, paulit-ulit na bumabalik ang tanong ni Lopez “Sino ba talaga ang nagdurusa?”
Matapos siyang pumanaw noong Agosto 19, 2019 dahil sa brain cancer, marami ang nagbigay pugay kay Gina Lopez hindi bilang politiko, kundi bilang boses ng kalikasan at tagapagtanggol ng mga naaapi.
Ang muling pagbalik ng pangalan ni Gina Lopez sa usapan ng publiko ay isang paalala ng kanyang kabayanihan at katotohanang hindi kumukupas. Ang kanyang mga salita, na dati ay binalewala ng ilan, ngayon ay tila propesiya na nagkatotoo sa bawat bagyong pumapatay, sa bawat bundok na gumuho, at sa bawat dagat na unti-unting namamatay.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento