Isang grupo ng mga retiradong heneral ng militar at pulisya ang nanawagan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang Anti-Political Dynasty Bill upang tuluyan nang maputol ang ugat ng korapsyon sa pamahalaan. Ayon sa retired Brigadier General Eliseo Rio Jr., miyembro ng Advocates for National Interest (ANI), panahon na umano upang “harap-haraping putulin” ang sistemang nagpapatuloy ng katiwalian sa bansa.
“Kung gusto mong maibalik ang tiwala ng taumbayan, ipasa mo ang Anti-Dynasty Law. Kung gagawin mo ‘yan, makakamit mo ang tunay na kapatawaran mula sa mamamayan” - Retired Brigadier General Eliseo Rio Jr.
Giit ni Gen. Rio, ang political dynasty at korapsyon ay parang dalawang mukha ng iisang barya magkasabay silang lumalaganap. Ipinunto niya na halos 80% ng mga lokal na pamahalaan sa bansa ay hawak ng iilang pamilya, dahilan kung bakit mahirap magkaroon ng check and balance sa pamahalaan.
Dagdag pa niya, kung mababawasan ang bilang ng mga kamag-anak na magkakasunod o sabay-sabay na nasa pwesto, mas magiging malaya ang mga ahensya sa pagtuligsa at pagsusuri ng mali.
Naniniwala ang grupo ng mga heneral na kayang baguhin ni Pangulong Marcos ang kalakaran kung gugustuhin niya. Sa panawagan ng mga retiradong heneral ng militar at pulis, malinaw ang mensahe: kung tunay na nais ni Pangulong Marcos Jr. na linisin ang gobyerno, dapat niyang harapin ang ugat ng problema ang political dynasty.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento