Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tuluyang pagbaklas ng tinaguriang “Mt. Kamuning” footbridge sa Quezon City, na ilang taon nang kinokuwestyon ng publiko dahil sa sobrang taas at delikadong disenyo nito.
“Kung may imprastrakturang hindi ligtas, hindi praktikal, at hindi makatao, wala itong lugar sa bayan natin. Palitan natin ng mas maganda, mas ligtas, at mas kapaki-pakinabang sa lahat.” -PBBM
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, malinaw ang utos ng Pangulo: "Gibain niyo ’yan at palitan ng mas maayos at mas ligtas." Ang naturang overpass ay madalas reklamo ng mga senior citizen, persons with disability, at maging ng mga ordinaryong commuter dahil sa nakakapagod at mapanganib na akyatan.
Ang papalit na tulay ay itatayo mas mababa, may kasamang elevator, at magkakaroon ng direktang koneksyon sa GMA Kamuning EDSA Busway Station. Layunin nitong gawing mas komportable at ligtas ang pagtawid ng mga tao, lalo na sa isa sa pinakaabalang bahagi ng lungsod.
“Ito po ay utos mismo ng ating Pangulo para sa kaligtasan ng bawat Pilipino. Hindi na natin dapat tiniis ang ganyang klaseng imprastraktura,” ani Dizon.
Inaasahang magsisimula ang konstruksyon ngayong taon, matapos ma-finalize ang disenyo at badyet.
Sa wakas, dininig na ang hinaing ng mga commuter at residente ng Quezon City. Ang pagpapagiba sa Mt. Kamuning footbridge ay patunay ng malasakit ng pamahalaan sa kaligtasan at kaginhawahan ng taumbayan. Hindi na kailangang tiisin ng publiko ang delikadong akyatan, at sa halip ay aasahan ang isang bagong imprastraktura na tunay na para sa lahat—bata, matanda, may kapansanan, o commuter man.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento