Isang 22-anyos na Pilipino ang gumawa ng kasaysayan matapos magtapos bilang magna cum laude with highest honors sa Harvard University, isa sa mga pinakaprestihiyosong unibersidad sa buong mundo.
Si Eion Nikolai Chua, na nagsimulang mag-aral sa Harvard noong 2021, ay nagtapos ng double degree sa Chemistry at Economics, sabay sa kanyang master’s degree sa Chemistry and Chemical Biology—lahat ay natapos niya sa loob lamang ng apat na taon.
Kasama si Chua sa 374th Commencement Exercises ng Harvard noong Mayo 29, kung saan 9,434 degrees ang iginawad, kabilang ang 2,014 mula sa Harvard College. Isa rin siya sa mga napiling miyembro ng Phi Beta Kappa, ang pinakamatandang honor society sa Amerika na nagbibigay-parangal sa mga estudyanteng may pambihirang galing sa liberal arts at sciences.
Bago pa man marating ang Harvard, nag-aral si Chua sa MGC New Life Christian Academy at International School Manila sa Taguig.
Ayon kay Chua, hindi siya masyadong nagulat sa kanyang natamong parangal dahil puspusan ang kanyang pag-aaral sa mga advanced na kurso at aktibong pagsali sa research work.
“Masaya ako, pero medyo in-expect ko rin po kasi talaga akong nag-enroll sa maraming graduate-level subjects. Tinitingnan nila kung sino ang handang lumalim sa kaalaman at kakayahang mag-perform,” sabi ni Chua sa panayam.
Pagkatapos ng graduation, plano muna ni Chua na umuwi sa Pilipinas upang magpahinga at masilip ang estado ng local chemistry industry.
“Gusto ko po sanang umuwi muna saglit, magpahinga at mag-explore kung ano ang kalagayan ng industriya ng chemistry dito sa atin,” dagdag niya.
Sa pangmatagalang plano, nais niyang magtayo ng negosyo na gumagamit ng agham para tumulong sa kapwa Pilipino—gaya ng paggamit ng agricultural waste para makagawa ng bio-based chemicals na makikinabang ang mga magsasaka.
“Siguro po balang araw, gusto kong gumawa ng maliit na chemistry start-up na pwedeng makatulong sa mga tao,” wika ni Chua.
Hindi rin nakalimot si Eion na magpasalamat sa kanyang mga magulang, guro, at mentors na walang sawang sumuporta sa kanya mula simula hanggang dulo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento