Isang nakakabiglang insidente ng pamboboso ang niresolba matapos madiskubreng may nakatagong cellphone na palihim na nagrerekord sa stockroom ng Mang Inasal Plaza Miranda branch sa Quiapo, Maynila. Ang nasasangkot? Walang iba kundi ang manager ng branch na si Alvin Joshua Francisco.
Ayon sa security guard na si Mark Evan Bernal, matagal na silang nagtaka kung bakit hindi pinapagamit ni Francisco ang banyo para sa pagbibihis ng mga empleyado. Sa halip, sa stockroom sila inuutusang magpalit ng damit — isang bagay na tila hindi karaniwan.
Nagduda na si Bernal kaya minabuti nilang halughugin ang stockroom, at doon nila natagpuan ang isang cellphone na nakatago at nakatutok sa lugar kung saan nagbibihis ang mga staff. Ayon sa sekyu, may rekord sa cellphone ng ilang kuha ng empleyado habang nagbibihis.
“Hindi kami makapaniwala. Ginagawa niya ito habang kami ay nagtatrabaho nang maayos. Para sa kanya pala, may masama siyang intensyon,” pahayag ni Bernal sa Idol in Action ni Raffy Tulfo.
Matapos mabisto, hindi na umano pumasok si Francisco sa trabaho at nagtatago na ngayon. Hawak na raw ng security guard ang cellphone na may ebidensya at plano nilang sampahan ng kaukulang kaso ang manager.
Naglabas ng opisyal na pahayag ang Mang Inasal PR Manager na si Ed Timbungco:
“The store owner is currently investigating the matter. We share in the desire to have this concern addressed as soon as possible.”
Ang insidente sa Plaza Miranda branch ay isang malinaw na paglabag sa privacy at karapatang pantao ng mga empleyado. Nakakabahala na sa isang lugar na dapat ay ligtas at propesyonal, may ganitong uri ng pang-aabuso.
Dapat magsilbing babala ito sa lahat ng employer at empleyado: ang anumang uri ng pananamantala ay hindi dapat palagpasin — dapat ipaglaban ang dignidad at seguridad sa lugar ng trabaho.
“Ginagawa lang namin trabaho namin, pero siya… may iba palang iniisip. Hindi kami papayag na mawalan ng hustisya,” saad ni Mark Evan Bernal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento