Sa wakas, isang malaking hakbang tungo sa modernong edukasyon ang natupad sa lungsod ng Marawi. Dumating na ang Starlink internet units na ipinangako ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. para sa mga estudyante at guro sa mga Temporary Learning Spaces (TLS) sa lugar. Layunin nitong mapabuti ang akses sa edukasyon, lalo na sa mga lugar na matagal nang kapos sa maayos na internet connection.
“Ang edukasyon ay hindi dapat nalilimitahan ng lokasyon. Kaya’t sinisiguro natin na kahit ang pinakamalayong paaralan, ay may maayos na koneksyon sa kaalaman at mundo.” – Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Hindi lamang sa TLS ng Marawi makikinabang ang proyekto. Mismong ang Bangon Elementary School, Bacarat National High School, Angoyao National High School, at Cabasaran Primary School ay makatatanggap rin ng kanya-kanyang Starlink unit. Sa ganitong paraan, mas lalawak pa ang saklaw ng maayos at mabilis na internet access sa mga liblib na paaralan sa rehiyon.
Sa maraming taon, hirap ang mga paaralan sa Marawi sa makabagong edukasyon dahil sa kawalan ng maayos na signal o internet. Marami sa mga guro ang kailangang bumiyahe pa patungong bayan upang makapag-download ng mga modules, habang ang mga estudyante ay nagbabakasakaling makahuli ng signal sa mga burol o sa kalsada.
Sa tulong ng Starlink technology, isang satellite-based internet service, posibleng maibsan na ang digital divide sa mga malalayong lugar.
Hindi maikakaila na ang edukasyon ay isa sa pinakamahalagang sandata laban sa kahirapan, at ang koneksyon sa internet sa panahon ngayon ay isa na ring pangunahing pangangailangan. Sa hakbang na ito ni Pangulong Marcos Jr., binibigyan niya ng bagong pag-asa ang mga guro at mag-aaral ng Marawi—na kahit sa kabila ng pagsubok at distansya, may daan patungo sa pagkatuto at pag-unlad.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento