Matapos kwestyunin ni Vice President Sara Duterte ang lumolobong utang ng administrasyong Marcos Jr., agad itong sinagot ng Palasyo sa pamamagitan ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na nagpaalala na malaking bahagi ng kabuuang utang ng Pilipinas ay nagmula sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ama ng Bise Presidente.
"Ang ₱16 trilyong utang ay hindi lamang sa Marcos administration. Sa katunayan, ₱12.79 trilyon dito ay galing sa administrasyon ng dating Pangulo Rodrigo Duterte. At kung tutuusin, ang sinasabi ni VP Sara tungkol sa ‘papel’ na progreso ay pagsang-ayon na rin na may datos at basehan ang sinasabi naming pag-unlad ng bansa." -Atty. Castro
Ayon kay Atty. Castro, ang tinukoy ni VP Sara na ₱16 trilyon na utang ay hindi lamang galing sa kasalukuyang administrasyon, kundi kabuuang naiipon ng bansa mula pa sa mga nakaraang pamahalaan. Sa naturang halaga, ₱12.79 trilyon ay mula sa termino ni Pangulong Duterte hanggang Hunyo 2022, na ayon sa kanya ay may interest rate na umabot ng 115.1%.
Habang nasa Australia, binanggit ni VP Sara Duterte na tila sa papel lamang gumaganda ang ekonomiya ng Pilipinas, pasaring sa kasalukuyang administrasyon. Ngunit ayon sa Palasyo, ang mismong binanggit ni VP ay patunay na may konkretong datos ukol sa pag-unlad ng ekonomiya.
Pahayag ni Atty. Castro:
"May papel at resibo na gumaganda ang ekonomiya ng bansa. Ang masaklap, mahirap turuan ang taong ayaw umunawa at pinipiling maging bulag sa katotohanan."
Ang bangayang ito sa pagitan ng Malacañang at Office of the Vice President ay isang paalala sa mamamayan na maging mapanuri sa impormasyon lalo na kung ito ay tungkol sa ekonomiya ng bansa. Sa panahon kung kailan ang utang at paggasta ng gobyerno ay sensitibong usapin, mahalagang malaman kung saan nga ba ito nag-ugat at paano ito pinapamahalaan.
Ang pahayag ng Palasyo ay hindi lamang simpleng pagtutuwid, kundi isang mensaheng nagsasabing ang pananagutan ay hindi puwedeng iwasan kahit sino pa ang nasa pwesto o naging pinuno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento