Isang nakaaantig na eksena ang naganap kamakailan sa Binondo, Maynila, matapos mahuli ang isang lalaki na nagnakaw ng lata ng gatas sa Rose Pharmacy. Pero imbes na kasuhan, ang lalaki ay pinatawad at higit pa, binilhan pa ng gatas ng mismong pulis na umaresto sa kanya.
Ang lalaki ay kinilalang si Mark Tulyon, isang 29-anyos na single father. Ayon sa kanyang kwento, kamakailan lamang ay iniwan siya ng kanyang kinakasama para sa isang banyagang lalaki, dahilan para siya na lamang ang mag-isang nag-aalaga sa kanilang 4 na buwang gulang na sanggol.
“Maraming salamat po sa pulis na tumulong sa akin. Hindi ko po makakalimutan ‘yung kabutihang ipinakita n’yo sa’kin. Wala po akong balak magnakaw, ama lang po akong gustong mabuhay ang anak ko,” ani ni Mark habang hawak ang gatas para sa kanyang anak.
Hindi niya raw talaga intensyong magnakaw, ngunit sa gutom at iyak ng anak niya gabi-gabi, napilitan siyang gawin ang hindi niya kailanman inakalang gagawin niya.
“Hindi ako masamang tao. Ama lang akong desperado. Hindi ko na matiis na gabi-gabi umiiyak ang anak ko dahil wala siyang gatas,” emosyonal na pahayag ni Mark.
Sa kabutihang-palad, imbes na ikulong o parusahan, ang pulis na rumesponde sa insidente ay nagpakita ng malasakit. Hindi lamang binayaran ng pulis ang gatas na kinuha, kundi kinausap nang maayos si Mark at pinayuhan pa ito.
“Bilang pulis, may batas tayong sinusunod. Pero bilang tao, may puso tayong dapat pairalin. Kitang-kita sa mata niya na hindi siya magnanakaw—isa siyang ama na kailangan ng tulong, hindi kulungan,” ayon sa pulis na ayaw magpakilala.
Ang kwento ni Mark Tulyon ay paalala sa ating lahat na hindi lahat ng lumalabag sa batas ay kriminal. Minsan, sila ay mga taong sinubok lang ng matinding pangangailangan. Sa panahon ng hirap at kawalan, ang isang pusong maunawain at malasakit ay maaaring magligtas, hindi lang ng isang tao — kundi ng isang buong pamilya.
Ang pulis na tumulong ay huwaran ng serbisyong may puso. Sana’y mas marami pang tulad niya na kayang magsilbi nang may malasakit at pang-unawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento