Sa gitna ng init ng araw at pagod ng maghapon, isang lalaking may isang paa ang patuloy na bumabangon para sa pamilya si Christopher "Topher Putol" Elariog, 45-anyos na sorbetero sa Commerce Avenue, Alabang.
"Sa mga taong may kapansanan, ‘wag kayong sumuko. Kaya n’yo rin lumaban ng patas na katulad ko at hindi nagpapadaig sa kung anuman ang hamon sa buhay natin,” – Christopher
Hindi naging hadlang para kay Topher ang pagkakaroon ng kapansanan upang ipagpatuloy ang kanyang hanapbuhay. Sa kabila ng kawalan ng isa niyang paa, araw-araw siyang naglalakad o mas tamang sabihing, tumatalon gamit ang saklay bitbit ang kanyang kahong puno ng popsicle ice cream na siyang bumubuhay sa kanyang asawa at tatlong anak.
“Ako po ay kasalukuyang nagtitinda dito sa Alabang pero kadalasan dito ako sa Commerce Avenue at iniikot ko po ito buong maghapon o mapagabi para makapagbenta,” ayon kay Topher.
Bata pa lang si Topher nang mangyari ang aksidenteng nagdulot ng pagkaputol ng kanyang paa. Habang nagtitinda ng ice cream gamit ang bisikleta, nadulas siya at tumama ang paa sa malaking bato. Akala niya’y simpleng sugat lamang. Pero makalipas ang ilang linggo, namaga, nanakit, at tuluyang nabubulok ang bahagi ng kanyang binti.
“Hinayaan ko lang at akala ko gagaling. Pero lumala hanggang ‘di ko na magalaw. Sa katagalan, nabubulok, at wala po akong choice kundi ipaputol,” aniya.
Pero hindi doon natapos ang kanyang kwento. Mula noon, bitbit ang kahon ng ice cream at saklay, patuloy niyang nililibot ang lungsod para kumita ng ₱300–₱500 kada araw.
Isang netizen ang nag-upload ng video ni Topher habang naglalako, at kaagad itong naging viral. Maraming netizens ang naantig sa kanyang sipag at determinasyon.
“Sakit sa puso makakita ng ganito, habang tayo nagrereklamo pa sa konting hirap pero sila pilit na lumalaban sa buhay ng patas,” sabi sa caption ng viral video.
Bagama’t may ilang taong tumulong matapos siyang makilala online, iginiit ni Topher na ang kanyang paninindigan ay hindi awa kundi respeto. Ayaw niyang matandaan bilang isang taong may kapansanan, kundi isang lalaking lumalaban nang patas.
Sa bawat hakbang ni Topher ay may kasamang tapang at pagmamahal. Isa siyang paalala na ang tunay na sukatan ng lakas ay hindi nakikita sa kumpletong katawan kundi sa kumpletong puso. Sa panahon kung kailan maraming tao ang sumusuko sa buhay, ang mga gaya ni Topher ang patunay na walang imposible sa taong may determinasyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento