Matapos ang matagumpay at emosyonal na pagtatapos ng Mga Batang Riles noong Hunyo 20, 2025, muling naging usap-usapan si Ynez Veneracion—hindi lang dahil sa kanyang pagganap bilang Dolor, kundi dahil din sa mga puna sa kanyang pisikal na anyo.
“Hindi lahat ng trending ay masaya. Pero kung ako, naging trending habang totoo ako sa sarili ko mas okay 'yun. Mas masarap sa pakiramdam.” -Ynez
Hindi nakaligtas si Ynez sa matatalas na mata ng mga netizens nang lumabas ang unang art card ng kanyang karakter. Marami ang nagsabing tila hindi na nila siya makilala, may nagsabing namamaga raw ang kanyang mukha, at ang iba pa'y nagbiro na para daw siyang may subong kendi.
Pero sa halip na maapektuhan, tinawanan lang ito ni Ynez.
“Sabi ko nga, dahil dito sa Batang Riles, at least nag-trending ako!” natatawa niyang pahayag sa interview ng PEP Troika noong Hunyo 18. “Yung iba nga diyan, dumudugo na utak nila para lang mag-trending. At least ako, hindi sinasadya.”
Hindi rin itinanggi ng aktres na dumaan siya sa retoke isang hakbang na para sa kanya ay hindi na dapat ikahiya sa panahon ngayon.
“Bakit big deal ang pagpapaganda? Halos lahat ginagawa 'yan ngayon. Hindi lang naman ako. At kung mas napaganda ako at mas naging kumpiyansa ako sa sarili ko, bakit hindi?” dagdag pa niya.
Hindi rin daw siya offended kapag sinasabihang mas hindi siya maganda sa TV.
“Mas gusto ko pa nga yun. Yung hindi ka kagandahan sa TV, pero dyosa ka sa personal. Mas gusto ko yun talaga, 'Day!” ani Ynez, sabay tawa.
Sa kabila ng lahat ng puna at bashers, nananatiling matatag at kalmado si Ynez. Para sa kanya, mas mahalaga ang panloob na kapayapaan, tiwala sa sarili, at pagiging totoo.
Sa panahong madali ang manghusga lalo na sa social media, isang magandang paalala si Ynez Veneracion ng tunay na self-love at confidence. Hindi siya nagpatalo sa mga mapanghusgang mata ng publiko, bagkus ay ginamit niya ito bilang inspirasyon para ipakita ang kanyang lakas at pagtanggap sa sarili.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento