Inaresto nitong Biyernes, Mayo 30, ang kilalang content creator na si Ronie Suan, o mas kilala sa YouTube bilang “Boy Tapang,” matapos maglabas ng warrant of arrest ang korte kaugnay ng kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 na isinampa ng kanyang 21-anyos na live-in partner na si Cristina Morales.
“Hindi ko intensyon na manakit. Mahal ko si Cristina at nasaktan lang ako nung makita ko 'yung vape. Pero kung may pagkakamali ako, haharapin ko 'to. Sana mabigyan ako ng pagkakataon na ipaliwanag ang panig ko,” – Ronie “Boy Tapang” Suan
Ayon sa ulat, inaresto si Suan, 25-anyos, bandang 12:15 p.m. sa Brgy. Carreta, Cebu City ng mga operatiba ng City Intelligence Unit ng Cebu City Police Office (CCPO) sa pamumuno ni Police Capt. Christopher Irwin Sanchez. Si Suan ay residente ng Brgy. Daanlungsod, Alcoy, Cebu.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Morales na umano'y pinagbuhatan siya ng kamay ni Suan matapos itong makakita ng vape sa kanyang gamit noong madaling araw ng Abril 1, 2025, sa Alcoy. Sa gitna ng pagtatalo, nag-escalate daw ito sa pisikal na pananakit kung saan nagtamo umano siya ng mga pasa sa bandang tagiliran.
Ayon pa kay Police Capt. Gerry Magsayo ng Alcoy Police Station:
“Sumala sa iyahang live-in partner, dili ra daw karon nga time. Murag sige na daw ni… Selos kuno ang hinungdan.”
Napag-alamang matagal nang tinitiis ni Morales ang umano'y pananakit dahil sa takot at emosyonal na attachment, lalo na habang siya ay nagbubuntis, ngunit ngayon ay pinili nang magsampa ng kaso.
Ang Regional Trial Court Branch 143 sa Cainta, Rizal ang naglabas ng warrant, na may rekomendadong piyansang ₱72,000 para sa pansamantalang kalayaan ni Suan.
Sumikat si Boy Tapang noong 2020 dahil sa kanyang viral videos ng extreme food challenges, gaya ng pagkain ng buhay na insekto. Mayroon na siyang higit sa 2.35 million subscribers at 163 million views sa YouTube.
Nakilala rin siya sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" at sa mga kontrobersyal na vlog tulad ng "money kite" gamit ang perang papel mula sa Bangko Sentral, at ang pag-amin na scripted lamang ang kanyang relasyon kay content creator Cherry White.
Ang pagkakaaresto kay Boy Tapang ay isang paalala sa lahat na walang puwang sa lipunan ang anumang anyo ng karahasan sa kababaihan. Gaano ka pa kasikat o kalakas sa social media, ang batas ay umiiral para protektahan ang karapatan ng bawat isa.
Habang hinihintay ang paglilitis, mahalagang manatiling mapagmatyag ang publiko at huwag agad humusga. Nawa’y magsilbing aral ito sa iba—na ang tunay na tapang ay ang pagiging responsable sa bawat kilos, lalo na sa loob ng relasyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento