Iginiit ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na dapat kilalanin ng publiko ang malaking papel ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paglalantad ng malawakang korapsyon sa flood control projects.
Ayon kay Castro, kung hindi dahil sa aksyon ng Pangulo, mananatiling nakatago ang mga anomalya sa likod ng mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.
“Tatlong buwan pa lang, marami nang nagawa ang Pangulo at ang gobyernong ito na hindi nagawa ng nakaraang administrasyon. Wala ngang pag-iimbestiga noon.
Hindi ba dapat mas matuwa tayo na kumilos ang Pangulo para masolusyunan ang isyu.” - Atty. Claire Castro
Binigyang-diin ni Castro na mali ang pagdududa ng ilan sa pagkilos ng administrasyon. Aniya, ang Pangulo mismo ang nag-utos ng imbestigasyon upang mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian, kabilang na sa flood control projects na umabot sa bilyong halaga.
Ayon kay Castro, walang ganitong antas ng transparency sa mga nagdaang administrasyon. Sa halip na sisihin ang kasalukuyang liderato, dapat aniyang ipagpasalamat ng taumbayan na ngayon pa lamang ay may matapang na lider na humaharap sa katotohanan.
Ipinagtanggol din ni Castro ang Pangulo laban sa mga batikos na siya umano ang dapat sisihin sa isyu ng flood control anomalies.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento