Matapang na sinagot ni Dasmariñas, Cavite Representative Elpidio “Kiko” Barzaga Jr. ang mga reklamong inciting to sedition at inciting to rebellion na isinampa laban sa kanya. Ayon kay Barzaga, hindi siya natatakot sa mga kasong ito at naninindigan siyang hindi siya titigil sa paglaban para sa katotohanan at katarungan.
Ibinahagi ni Barzaga sa publiko ang kopya ng subpoena mula sa Office of the City Prosecutor ng Quezon City, na nagsasaad na kailangan niyang humarap sa preliminary investigation sa Nobyembre 18 at Nobyembre 25, ganap na alas-3 ng hapon. Ang reklamo ay inihain ni Police Captain Aaron Blanco ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Major Crimes Investigation Unit ng PNP.
Sa isang matapang na pahayag sa social media, binanatan ni Barzaga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sabay tanong, “Bongbong Marcos, how many people have your father killed or imprisoned before he was removed from power?”
Dagdag pa niya, “This will not stop us, this will only make the revolution stronger!”
Sa kabila ng mga kasong isinampa laban sa kanya, iginiit ni Barzaga na wala siyang nilabag na batas. Aniya, ang kanyang mga pahayag ay bahagi ng karapatan sa malayang pamamahayag at political expression.
Ayon sa kanyang kampo, malinaw na isang pagtatangkang patahimikin siya ang reklamong ito, lalo na’t kilala si Barzaga sa pagiging kritikal sa administrasyon. “Hindi ito ang unang beses na tinangka akong takutin, pero hindi ako uurong,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng mabibigat na akusasyong kinakaharap, nananatiling matatag si Rep. Kiko Barzaga sa kanyang paninindigan. Para sa kanya, ang laban laban sa katiwalian at pang-aabuso ay hindi kailanman dapat tumigil, kahit kapalit nito ay mga kasong kriminal.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento