Magandang balita para sa komedyanteng si Ate Gay matapos niyang ibahagi na makakapagpa-chemotherapy at radiation nang libre sa tulong ng isang tinawag niyang “angel.” Sa kanyang Facebook post, inihayag niyang tatanggapin niya ang gamutan sa Asian Hospital and Medical Center, isang hakbang na magbibigay pag-asa sa kanyang laban kontra stage 4 cancer.
“Magandang balita po, magpapa-chemo at radiation na po ako sa Asian Hospital nang libre sa tulong ng isang anghel. Taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng nagdarasal at nagmamahal. Lalaban po tayo.” -Ate Gay
Matagal nang nakikipaglaban si Ate Gay sa sakit at pansamantalang tumigil sa pagharap sa entablado upang unahin ang kanyang kalusugan. Sa kabila ng pinagdaraanan, buo ang kanyang pasasalamat sa lahat ng nagpaabot ng panalangin at mensahe ng suporta, kahit hindi man niya mareplyan ang lahat.
Dagdag pa rito, humihingi rin siya ng tulong upang makahanap ng condo o apartment malapit sa ospital dahil kinakailangan niyang manatili roon nang 35 araw para sa kanyang gamutan. Sa kabila ng pagsubok, nanatiling positibo si Ate Gay at umaasang malalampasan ang laban sa tulong ng Diyos, ng kanyang pamilya, at ng mga taong hindi siya iniwan.
Ang kwento ni Ate Gay ay patunay na kahit gaano kabigat ang laban, laging may pag-asa at tulong na dumarating sa tamang panahon. Sa tulong ng kanyang “angel,” mas nagkaroon siya ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang laban laban sa cancer.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento