Nag-viral kamakailan ang post ng isang inang si Agapi Krizzalyn matapos niyang ibahagi ang nakakabahalang karanasan ng kanyang 7-taong gulang na anak matapos manood ng mga video na may karakter na tinatawag na “Sahur.” Ang naturang content ay tila inosente sa paningin, ngunit pinaniniwalaang may masamang epekto sa mga bata.
“Hindi ko intensyon manakot pero gusto ko lang ibahagi ‘yung nangyari para hindi na mangyari sa iba. Bantayan natin ang mga anak natin—lalo na kung sino at ano ang pinapanood nila online.” - Agapi
Ayon kay Agapi, nagising ang kanyang anak ng alas-3:17 ng madaling araw at nagsimulang magsalita ng “kakaibang mga salita.” Nang tanungin niya ang bata, sinabi nitong may boses daw siyang narinig—ang boses ni "Sahur"—na nagsasabing “Gising ka na.”
Dahil dito, agad inalis ni Agapi ang gadget at screen time ng kanyang anak at ipinost sa social media ang kanyang babala upang magbigay ng paalala sa kapwa magulang. Hindi nagtagal, kumalat ang kanyang kwento sa Facebook at nakatanggap ng libo-libong reaksyon at komento.
Sa comment section ng post ni Agapi, ilang magulang ang nagpatotoo na naranasan din ng kanilang mga anak ang kahalintulad na kakaibang pag-uugali matapos mapanood ang parehong video. May ilan pa umanong kaso na nagpakita ng signs ng self-harm o pagiging agresibo, na lalong ikinabahala ng mga netizen.
Isa sa mga komento ang nagsabi:
“Akala ko ako lang ‘to! Yung anak ko din nagising ng madaling araw at takot na takot, sabi may narinig daw siya na may nagsasabi ng ‘Tung Tung Sahur.’”
Ang “Sahur” ay bahagi ng isang viral AI-generated meme na unang lumitaw sa TikTok ngayong 2025. Sa video, makikita ang isang wooden figure na may dalang baseball bat habang tumutugtog ang tunog ng tambol, kasabay ng paulit-ulit na salitang “Tung Tung Tung Sahur”—isang parody ng panawagan para sa Suhoor (pre-dawn meal) tuwing Ramadan.
Bagama’t nakakatawa para sa ilang teenagers at adults, ang video ay itinuturing na bahagi ng “brainrot meme trend”—isang uso na may layuning maglabas ng nakakatawa ngunit madalas ay absurd o nakakagulat na content.
Binigyang-diin ni Agapi na hindi lahat ng mukhang pambata ay ligtas panoorin ng mga bata. Maraming bersyon ng video ang naglalaman ng disturbing visuals gaya ng biglaang ilaw, pangit na mukha, at audio effects na nakakatakot para sa murang isip.
“Hindi lahat ng mukhang cartoon ay para sa bata. Magulang pa rin ang may huling say sa kung ano ang pinapanood ng anak nila,” pahayag ni Agapi sa panayam ng media.
Sa panahon ngayon na halos lahat ay may access sa internet, mas lalong mahalaga ang matinding pagmo-monitor ng mga magulang sa pinapanood ng kanilang mga anak. Hindi sapat na mukhang cartoon o cute ang content—dapat suriin kung ito ay ligtas sa mental at emosyonal na kalagayan ng bata.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento