Sa isang pampublikong paaralan, habang abala ang mga guro sa kanilang break time, isang Junior High School TLE teacher ang pinaiyak ng liham ng kanyang Grade 7 student na si Tonyo — isang batang madalas absent hindi dahil sa katamaran, kundi sa kakulangan sa pambaon at pamasahe.
“Ang pagiging guro ay hindi lang trabaho, ito ay isang misyon. Hindi lang ito tungkol sa pagsusulit, kundi sa pagiging sandalan at tagapagtaguyod ng mga batang tulad ni Tonyo. Sa bawat kahon ng biscuit at baso ng tubig, may buhay tayong naaabot.” -Guro
Hindi ito ang unang pagkakataon na humingi ng tulong si Tonyo sa kanyang adviser teacher. Minsan, hihingi siya ng sampung piso, pambile ng meryenda o pamasahe. Pero sa bawat utang, lagi niya itong binabayaran, kahit na hindi ito tinatanggap ng kanyang guro.
Hanggang isang araw, habang break time, lumapit muli si Tonyo.
"Sir/Ma'am, pahiram po ng pera."
Sa halip na Php10.00, Php100.00 ang iniabot ng guro, sabay sabing:
“Bumili ka ng rice meal, para siguradong busog ka.”
Pagbalik ng bata, hindi inaasahan ng guro ang sumunod na pangyayari: Php90.00 ang isinukli ni Tonyo, at biscuit lang ang binili niya. Naluha ang guro hindi dahil sa sukli, kundi sa disiplinang pinairal ng bata kahit sa gitna ng kahirapan.
Sa dami ng estudyanteng pinapasan ng mga guro, mayroon talagang iilang bata na humihingi ng higit pa sa leksyon—pag-unawa, malasakit, at konting tulong. At para sa gurong ito, ang pagiging guro ay hindi lang natatapos sa lesson plan.
Ang kwento ng gurong ito at ni Tonyo ay paalala na ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa pag-aaral, kundi sa pakikipagkapwa-tao. Minsan, sapat na ang biscuit, tubig, at malasakit upang mapanatiling buo ang pag-asa ng isang batang nais lamang makapag-aral.
Sa bawat estudyanteng tulad ni Tonyo, sana mas marami pang gurong handang umunawa. Dahil sa bandang huli, hindi lang karunungan ang ating tinuturo—kundi kabutihan ng puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento