Habang ang ibang mga bata sa kanyang edad ay abala lamang sa kanilang mga assignments at laro, si Renz Carlo Acebedo, Grade 4 student mula sa New Katipunan Elementary School sa Agusan Del Sur, ay may dagdag na responsibilidad: ang pag-aalaga sa kanyang nakababatang kapatid habang siya ay nasa klase.
“Kahit po mahirap, hindi ko iniisip na tumigil. Gusto ko pong makatapos para matulungan si mama at papa, at si bunso. Gusto ko rin pong maging teacher para matulungan ‘yung mga batang walang kaya.” -Renz Carlo Acebedo
Sa mga larawan at video na kumalat online, makikita si Renz sa loob ng silid-aralan, may hawak-hawak na baby habang nakikinig sa kanyang guro. Hindi biro ang ginagawa ni Renz habang sinusubukan niyang mag-focus sa kanyang pag-aaral, sinisigurado rin niyang ligtas at komportable ang kanyang kapatid.
Ayon sa kanyang guro, hindi ito unang beses na isinama ni Renz ang bunso. Tuwing nasa bukid ang kanilang mga magulang para magtrabaho, si Renz ang nauunang bumangon upang ihanda ang sarili sa klase at ihanda rin ang bitbit na kapatid.
“Hindi ko naman po puwedeng iwan kasi walang mag-aalaga,” ani Renz sa isang panayam. “Kahit mahirap, gusto ko pa rin pong pumasok at matuto.”
Sa kabila ng bigat ng kanyang sitwasyon, hindi kailanman gumive-up si Renz sa kanyang pangarap. Sabi niya, gusto niyang maging guro balang araw, para makatulong sa mga batang tulad niya.
Ang kwento ni Renz Carlo ay patunay na walang hadlang ang tunay na pagsusumikap, lalo na kung may kasamang pagmamahal sa pamilya. Sa murang edad, dala na niya ang bigat ng responsibilidad ngunit hindi siya nawawalan ng pag-asa. Sa bawat sulat sa notebook niya at haplos sa kanyang bunsong kapatid, isa siyang inspirasyon sa marami.
Sa isang bansang maraming batang sumusuko dahil sa kahirapan, si Renz ay paalala na ang tunay na lakas ay hindi nasusukat sa edad kundi sa puso
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento