Advertisement

Responsive Advertisement

DUTERTE POSIBLENG ‘AAMPUNIN’ NG IBANG BANSA HABANG NAGHIHINTAY NG HATOL MULA ICC

Sabado, Hunyo 14, 2025

 



Pormal nang inihain ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan para sa kanyang pansamantalang paglaya mula sa pagkakakulong sa International Criminal Court (ICC). Ayon sa 16-pahinang dokumento mula sa kanyang abogado na si Atty. Nicholas Kaufman, handa na umano ang isang hindi pinangalanang bansa na tanggapin si Duterte at kupkupin ito pansamantala habang hinihintay ang hatol ng korte.


“Si Ginoong Duterte ay handang sumunod sa mga kondisyon ng korte. Hindi niya ipapahiya ang mga bansang handang tumanggap sa kanya. Nais lang naming makamit ang makatarungan at makataong konsiderasyon para sa kanya.” -Atty. Kaufman


“May prinsipyong pasya ang [UNDISCLOSED] na makipagtulungan sa Korte at tanggapin si Ginoong Duterte sa kanilang teritoryo habang nasa ilalim ng interim release,” ayon sa dokumento.


Ayon pa kay Kaufman, hindi na raw "realistic" ang pananatili ni Duterte sa piitan, lalo’t 80 taong gulang na ito at wala namang indikasyong tatakas o magtatangkang hadlangan ang imbestigasyon.


“Hindi na siya flight risk. Hindi rin kailangan ang kanyang patuloy na pagkakakulong para mapanatili ang integridad ng proseso,” aniya.


Dagdag pa ng abogado, humihingi rin sila ng konsiderasyon sa makataong aspeto ng kaso dahil sa edad at kalagayan ng dating pangulo.


Sa panig naman ng Malacañang, sinabi ni Atty. Claire Castro, tagapagsalita ng Palasyo, na igagalang nila ang anumang magiging pasya ng ICC.


“Nasa ICC na ang pagpapasya. Igagalang namin ang kanilang resolusyon,” saad ni Castro sa press briefing.


Gayunpaman, umaasa ang kampo ng dating pangulo na mapapaniwala nila ang mga ICC judges sa kanilang bagong legal na estratehiya—na may layuning mailabas si Duterte habang wala pang pinal na desisyon sa kaso.


Habang nagpapatuloy ang legal na laban sa ICC laban kay Rodrigo Duterte kaugnay sa mga kasong crimes against humanity, lumalakas naman ang panawagan ng kanyang kampo para sa pansamantalang paglaya. Kung pagbibigyan ng ICC ang kahilingan, magiging makasaysayan ito bilang isa sa iilang pagkakataon na ang dating pinuno ng bansa ay maaring makalabas ng piitan at pansamantalang manirahan sa ibang bansa habang inaantay ang hatol ng pandaigdigang korte.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento