Hindi man karaniwan sa isang opisyal ng gobyerno ang sumagot sa mga isyung personal, si Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte ay nagsalita hindi bilang pulitiko, kundi bilang anak na nagtatanggol sa kanyang ama.
“Hindi ko tinuturing na kahinaan ang pagmamahal ng isang ama. Lahat ng taong naging bahagi ng buhay niya ay may saysay. Kaya sana, tigilan n’yo na. Buhay niya ’yan hindi sa inyo.” -Baste Duterte
Sa isang matapang at makabagbag-damdaming post sa social media, hinarap ni Baste ang mga bumabatikos sa dating Pangulong Rodrigo Duterte, partikular sa mga usaping may kinalaman sa mga babae sa kanyang buhay. Ayon kay Baste, walang sinuman ang may karapatang manghimasok sa mga personal na ugnayan ng kanyang ama lalo’t lahat ng kababaihang nauugnay dito ay may kanya-kanyang papel sa buhay ni PRRD.
“Lahat ng babaeng iyan, naging bahagi ng buhay at puso ng tatay ko. Wala ni isa ang mas mataas o mas mababa sa iba, kasama na ang nanay ko. Ganun lang 'yon,” saad ni Baste.
Hindi rin nagpatinag si Baste sa tila paulit-ulit na pag-ungkat sa nakaraan ng kanyang ama. Aniya, ang patuloy na pag-atake sa personal na buhay ng kanyang ama ay mas nagsisiwalat ng pagkatao ng bumabatikos, kaysa sa taong kanilang pinupuna.
“Kung hindi kayo titigil, mas makikilala ng tao kung sino talaga kayo hindi kung sino ang tatay ko,” dagdag niya.
Matapos ang makabuluhang paliwanag, natapos ang kanyang post sa isang paalala na tila may halong biro ngunit may bigat pa rin ang dating:
“You are all sem sem but difalen, leme labyu long time. Enough said. Stop it.”
Sa kabila ng pagiging personalidad sa politika, ipinakita ni Baste Duterte na higit pa sa lahat, siya ay isang anak. Isang anak na handang tumayo at magsalita para sa kanyang ama hindi upang pabanguhin ang imahe nito, kundi upang ipagtanggol ang dignidad ng isang tao na, tulad ng karamihan, ay may personal na buhay na dapat igalang.
Ang kanyang mensahe ay paalala sa publiko: huwag gawing libangan ang buhay ng iba, lalo’t kung ito’y wala namang kinalaman sa paglilingkod sa bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento