Hindi biro ang mga pinagdaanan ni Wilma Doesnt at ng kanyang pamilya upang maitawid ang kanilang five-star karinderya na "Chicks Ni Otit." Sa kabila ng mga hamon, nagpatuloy sila sa kanilang negosyo, at ngayon, ibinahagi ni Wilma ang ilan sa mga mahahalagang aral na natutunan niya sa pagpapatakbo ng kanilang karinderya—mga aral na bihirang ituro sa loob ng silid-aralan.
Sa eksklusibong panayam, inamin ni Wilma na hindi madaling pamahalaan ang isang negosyo, lalo na't maraming mga customer na may mataas na inaasahan. "Alam mo, ako, ha, for sure, yung mga nagre-restaurant can agree with me, ngayon, nakakalungkot, ang daming entitled na tao," bungad ni Wilma.
Nilinaw ni Wilma na ang kanilang karinderya ay nag-aalok ng five-star quality na pagkain, ngunit hindi ito nangangahulugan na makakakita ang mga customer ng aircon, salad, o ibang bagay na wala sa kanilang menu. "Huwag kang maghanap sa akin ng aircon, huwag kang maghanap sa akin ng salad, huwag kang maghanap sa akin ng mga bagay na wala sa menu ko," pahayag niya.
Nagkuwento rin si Wilma ng mga karanasan kung saan ang ilang customer ay nagrereklamo na hilaw ang pagkain kahit na naubos na nila ito. “Minsan, nasa-shock daw ako sa mga reklamo ng diners. Paano mo… ako minsan, na-experience ko, paano yun? E, ubos na,” dagdag ni Wilma.
Ayon kay Wilma, walang perpektong operasyon sa kahit anong negosyo. "Walang perfect na operations. Yung daily operations, walang perpekto. Kahit na sinong pinakamalaking kumpanya yan, walang perpekto sa operations natin," ani ng model-actress. Ang bawat araw ay may mga bagong hamon at problema na kailangang harapin, ngunit ang mahalaga ay ang patuloy na pagbangon at pag-aayos ng anumang pagkakamali o aberya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento