Isiniwalat ni Mayor Isko Moreno na nalulubog na pala sa utang ang lungsod ng Maynila sa mga kumpanyang inatasan para kolektahin ang basura. Sa isang Facebook Live nitong Lunes, binanggit niya ang kabuuang utang na P950 million sa tatlong pangunahing garbage contractors: MetroWaste, PhilEco, at Leonel Waste Management.
“Hindi natin ito ipapasa sa susunod, tayo ang mananagot ngayon. Hindi natin kasalanan, pero tungkulin natin itong ayusin. Para sa Maynila, gagawa tayo ng paraan. Hindi puwedeng balewalain ang basura ng bayan.” -Mayor Isko Moreno
Ayon kay Mayor Isko, mahigit isang taon na umanong hindi nababayaran ang MetroWaste at PhilEco mula pa noong Pebrero 2025. Dahil dito, nagpadala na sila ng sulat sa bagong administrasyon at nagbabalak nang itigil ang kanilang serbisyo sa lungsod.
“Kung ilang linggo na ang nakararaan ay tambak ang basura sa lungsod ng ating siyudad ay titriple pa po 'yan dahil wala na pong maghahakot ng basura. Ito ang unang bumungad sa akin bilang inyong alkalde,” pahayag ni Mayor Isko.
Bukod pa rito, isiniwalat din ng alkalde na P500 milyon sa kabuuang utang ay naiwan ng dating administrasyon ni Honey Lacuna sa Leonel Waste Management. Lumalabas na naging sunod-sunod ang problema sa pagbabayad, kaya hindi na rin kinaya ng mga kumpanya ang patuloy na operasyon.
“Ang bayaring kakaharapin natin at hindi na kinaya rin ng mga naturang kumpanya ang malaking operasyon ng pagkolekta ng basura ay tumataginting na P950 million,” dagdag pa niya.
Dahil dito, nanganganib na mabalaho sa basura ang buong Maynila sa mga susunod na araw kung hindi agad maaaksyunan ang krisis sa bayad at serbisyo.
Ang isiniwalat ni Mayor Isko Moreno ay isang paalala na ang tunay na serbisyo publiko ay hindi lang pagpapapogi, kundi pagharap sa mga problemang iniwan at paggawa ng aksyon sa kasalukuyan. Sa kabila ng bigat ng halos isang bilyong pisong utang, nangangako si Moreno na gagawin niya ang makakaya upang malinis muli ang Maynila, hindi lang sa basura, kundi pati sa sistemang iniwan ng nakaraan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento