Bumuhos ang papuri mula sa netizens para sa isang Grade 4 student na si Daniel, matapos maging viral ang kwento ng kanyang guro na si Ryan James Dueñas sa Facebook. Sa gitna ng araw ng klase, walang kaabog-abog na inilabas ni Daniel ang isang piling ng saging bilang simpleng alay ng pasasalamat sa kanyang guro.
“Hindi ko ito makakalimutan. Hindi dahil saging ang binigay, kundi dahil sa kahulugan ng simpleng regalong iyon. Sana marami pang batang tulad ni Daniel—may puso, may respeto, at may kabutihan.” -Guro
Ayon kay Teacher Ryan, hindi niya inaasahan ang munting regalong iyon, ngunit labis siyang naantig dahil sa kahulugan nito. Hindi ito isang mamahaling bagay, ngunit para sa isang batang nasa elementarya pa lamang, ito ay isang simbulo ng tunay na pagpapahalaga.
“Akala ko may baon siya na saging, pero bigla niyang inabot sa akin at sabi, ‘Para po sa inyo, sir. Salamat po sa pagtuturo.’ Para akong mapapaiyak,” saad ni Dueñas.
Ang post ng guro ay umani na ng libo-libong shares at comments mula sa mga netizens na napaalala sa kanila ng kabutihang likas sa puso ng mga kabataan.
Sa panahon ng makabago at digital na pamumuhay, isang simpleng kilos mula sa batang tulad ni Daniel ang muling nagpapaalala sa atin na ang tunay na halaga ng pasasalamat ay hindi nasusukat sa halaga ng regalo, kundi sa taos-pusong intensyon ng pagbibigay. Hindi lang siya isang mag-aaral—isa siyang inspirasyon sa kapwa bata at matatanda.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento