Tiniyak ni San Miguel Corporation president Ramon S. Ang na maipapatayo ang bagong Terminal 5 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa loob lamang ng 30 buwan o dalawang taon at kalahati mula sa simula ng konstruksyon, na inaasahang sisimulan sa unang bahagi ng taong 2026.
Sa panayam kay Ang, sinabi niyang mabilis ang magiging takbo ng proyekto kapag nasimulan na ito.
“Sabihin mong let’s start construction by January 2026, matatapos ’yan after 30 months or two and a half years. Ang bilis, ano?” ani Ang.
Itatayo ang Terminal 5 sa dating lokasyon ng Philippine Village Hotel, na kasalukuyang kinukumpuni at inaasahang malilinis na ang lugar pagsapit ng Setyembre. Ang proyektong ito ay pinangungunahan ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) na siya ring pinamumunuan ni Ang.
Ang layunin ng bagong terminal ay paluwagin ang Terminal 2, lalo na sa dami ng mga domestic flight na inaasahan sa mga darating na taon. Kapag nagsimula na ang operasyon ng Terminal 5, tinatayang abot sa 35 milyong pasahero kada taon ang kayang saluhin ng Terminal 2 at 5 na pinagsama.
Samantala, ibinahagi rin ni Ang na ang Terminal 1 ay ilalaan para sa mga low-cost international carriers, habang ang Terminal 3 naman ay para sa mga full-service international airlines.
Ang buong proyekto ay bahagi ng ₱122.3 bilyong public-private partnership (PPP) na sinabing pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa, ayon mismo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ito ang pinakamalaking PPP na ginawa ng bansa. At ito rin ang pinakamabilis na naiproseso dahil pinursige ko talaga,” ani Pangulong Marcos.
Dagdag pa ng Pangulo, inaasahang magkakaroon ng mas modernong pasilidad ang NAIA gaya ng face-recognition e-gates upang mapabilis ang immigration process at mapagaan ang karanasan ng mga biyahero.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento