Sa pagbabalik ng klase, agad na kumilos ang gobyerno para tiyaking ligtas ang mga estudyante sa buong bansa. Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III upang pagtibayin ang direktiba hinggil sa mas pinaigting na police visibility sa mga paaralan.
“Gamit ang teknolohiya gaya ng bodycams at real-time response monitoring, kaya na naming makarating sa kahit anong emergency sa loob lamang ng tatlo hanggang limang minuto.” -Gen. Nicolas Torre III
Ayon sa Palasyo, layunin ng meeting na ito na masiguro ang mabilis na response time ng kapulisan, lalo na sa mga insidenteng maaaring mangyari sa loob at paligid ng mga paaralan.
Bilang bahagi ng presentasyon, ipinakita ni Torre sa Pangulo ang live view mula sa bodycam ng isang rumerespondeng pulis upang ipakita ang kahandaan at bilis ng PNP, kung saan kaya na ngayong makarating sa eksena sa loob ng 3 hanggang 5 minuto gamit ang 911 hotline.
"Ang tagumpay ng edukasyon ay nakasalalay din sa kapayapaan at kaayusan sa ating mga paaralan," ani Pangulong Marcos Jr.
"Kaya suportado ko ang mga hakbang ni Gen. Torre upang tiyakin ang seguridad ng ating mga estudyante, guro at mga magulang."
Samantala, tiniyak ni Gen. Torre na patuloy nilang imo-monitor ang paligid ng mga paaralan, hindi lamang ngayong pagbubukas kundi sa buong school year.
“Responsibilidad naming tiyakin na ligtas ang bawat batang Pilipino habang sila ay nag-aaral. Kaya pinapalakas natin ang visibility at real-time response ng ating mga pulis,” pahayag ni Torre.
Sa panibagong hakbang na ito ng gobyerno, malinaw ang hangarin ni Pangulong Marcos Jr. at ni Gen. Torre ang siguraduhin ang kaligtasan ng bawat mag-aaral. Sa tulong ng makabagong teknolohiya at malinaw na direktiba, mas mabilis, mas epektibo, at mas mapagkakatiwalaan na ngayon ang kapulisan sa panahon ng emergency.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento