Isang 17-anyos na atleta mula Leyte ang naging viral matapos niyang isapubliko ang kanyang pagkadismaya sa natanggap na P3,000 lamang na insentibo sa kabila ng pagkapanalo ng gintong medalya sa secondary boys’ long jump sa Palarong Pambansa 2025.
Ayon kay Efosa John Paul Aguinaldo, hindi niya inaasahan na ganoon kaliit ang matatanggap niyang gantimpala, lalo na’t ibang mga atleta mula sa ibang rehiyon ay binigyan umano ng hanggang P200,000.
“Naiiyak nga ako. Sa ibang region, P200,000 nga bigay, tapos sakin P3,000 lang. Sobrang pagod kaya ng training. Nawalan ako ng gana, pero nagpursigi parin ako manalo,” pahayag ni Aguinaldo.
Sa kabila ng pagkadismaya, sinabi ni Aguinaldo na pinili pa rin niyang lumaban at tapusin ang kompetisyon para sa karangalan ng kanyang probinsya. Ang sakripisyo, hirap, at oras na ginugol niya sa ensayo ay tila hindi nabigyang halaga.
Sa isang Facebook post, lumapit ang kilalang motivational speaker na si Rendon Labador kay Aguinaldo at ipinahayag ang kanyang pagkadismaya sa sistema.
“Nakakahiya na ganito pa rin ang trato natin sa mga atletang nagdadala ng karangalan sa bansa. Hindi lang pisikal ang sakripisyo nila, kundi emosyonal din,” ayon kay Labador.
Ayon sa Palarong Pambansa Act of 2013, may kalayaan ang bawat local government unit (LGU) na magtakda ng halaga ng insentibo para sa mga atletang kalahok. Ngunit para kay Aguinaldo at sa marami pang kagaya niya, panahon na para magkaroon ng pantay-pantay na pagkilala sa bawat tagumpay — gaano man ito kaliit o kalaki.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang Provincial Government of Leyte ukol sa isyu.
Ang kwento ni Efosa John Paul Aguinaldo ay sumasalamin sa realidad ng maraming batang atleta sa bansa — puno ng sakripisyo ngunit kadalasang kulang ang pagkilala. Sa halip na suklian ng sapat na suporta, masakit mang aminin, tila nababale-wala ang kanilang tagumpay.
“Hindi lang po medalya ang habol namin. Gusto rin po naming maramdaman na pinapahalagahan kami. Sana sa susunod, pantay-pantay ang pagbibigay ng insentibo.” – Efosa John Paul Aguinaldo
Maging aral nawa ito sa mga lokal na pamahalaan: ang tunay na ginto ay hindi lang nasa medalya, kundi sa pagtanaw ng utang na loob sa mga kabataang nagbibigay dangal sa bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento