Isang matapang at prangkang pahayag ang ibinahagi ng beteranang aktres na si Mylene Dizon sa panayam niya kay Bernadette Sembrano sa YouTube channel ng mamamahayag. Sa halip na iwanan ng ari-arian o malaking halaga ng pera ang kanyang mga anak, pinili ni Mylene na turuan sila ng disiplina, sipag, at pagiging responsable sa buhay.
Ani Mylene, bilang isang single mom na nagtataguyod sa dalawang anak na lalaki, mas mahalaga para sa kanya ang pagkakaroon ng maayos na ugali at kakayahan ng mga anak sa halip na iasa nila ang kinabukasan sa yaman ng kanilang magulang.
“I have to do both jobs because I’m a single mom and I’m raising boys. Gusto ko decent sila, responsable.”
Hindi raw niya ibibigay kahit ang kanyang beach house sa La Union. Sa halip, nais niyang magsikap at matutong magpundar ang kanyang mga anak.
“Kung bibigyan ko sila ng P5 million, anong gagawin nila kung hindi nila alam gamitin ‘yon? Gusto ko matuto sila.”
Bukod sa pagiging aktres, natutunan ni Mylene ang mga kasanayan tulad ng welding at carpentry upang mapanatili at maayos ang kanyang sariling bahay.
“Hindi ko ibibigay sa kanila ‘yung toolbox ko. Igi-guide ko sila para makabuo sila ng sarili nilang toolbox.”
Para kay Mylene, ang tunay na pamana ay ang edukasyon, kaalaman, at kakayahang tumayo sa sariling paa, hindi ang materyal na yaman.
Sa panahon kung kailan maraming bata ang lumalaki sa pag-asang mamamana nila ang lahat sa kanilang magulang, isang malakas na pahayag ang ibinigay ni Mylene Dizon — ang tunay na yaman ay hindi nasusukat sa pera o ari-arian, kundi sa karakter, disiplina, at kakayahang mabuhay ng marangal.
“Ang gusto ko lang, ‘pag binitawan ko sila sa mundo, kaya na nila. Hindi sila maghahanap ng yaman, kundi sila mismo ang lilikha nito,” wika ni Mylene.
Isang ehemplo ng modernong ina na inuuna ang prinsipyo kaysa sa luho, si Mylene Dizon ay patunay na minsan, ang pagtanggi ng magulang ay isang anyo rin ng tunay na pagmamahal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento