Isang insidente sa sasakyan ang naiulat noong Biyernes ng gabi sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, kung saan isang Toyota Hi-Ace Super Grandia ang sumalpok sa bangketa sa pagitan ng Bay 13 at 14, ayon sa New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC).
“Bagama’t walang nasaktan, hindi ito dahilan para maging kampante kami. Lahat ng insidente ay tinatrato naming seryoso. Kasalukuyan naming pinapalawak ang safety improvements para sa lahat ng terminal,” ayon sa opisyal ng NNIC.
Ayon sa paunang ulat, iniiwasan ng driver ang isa pang sasakyan habang lumiliko, dahilan upang sumalpok ito sa gilid ng kalsada. Sa kabutihang palad, walang nasaktan o nasirang ari-arian sa naturang pangyayari.
Agad namang rumesponde ang airport police at security personnel. Mabilis na isinagawa ang on-site assessment, at ligtas na inalis ang van para dalhin sa Airport Police Division para sa karaniwang dokumentasyon.
Nilinaw ng NNIC na ang lugar ng insidente ay walang bollards dahil ang Bay 13 at 14 ay hindi kabilang sa high-traffic zones at hindi rin tinuturing na may agarang panganib.
Dagdag pa nila, nagsagawa na sila ng audit sa mga bollard placements sa lahat ng terminal matapos ang mas malalang insidente sa Terminal 1 noong nakaraang buwan, kung saan may dalawang namatay matapos masagasaan ng mabilis na sasakyan.
Ayon sa kanila, tapós na ang audit at kasalukuyan na silang gumagawa ng mga hakbang upang palakasin at palawakin pa ang paglalagay ng bollards sa mga kritikal na lugar.
Ang simpleng banggaan ay nagbukas ng mas malalim na diskusyon tungkol sa kaligtasan sa mga paliparan, lalo na sa mga terminal kung saan dagsa ang pasahero at sasakyan. Bagama’t walang nasaktan sa insidente sa NAIA T2, naging hudyat ito ng panibagong hakbang para tiyakin ang mas ligtas na biyahe para sa lahat.
“Hindi kailangang may masaktan bago tayo kumilos. Mas mabuting maagapan kaysa magsisi sa huli,” dagdag ng airport representative.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento