Sa gitna ng ulan at rumaragasang agos ng ilog, isang viral video ang pumukaw sa damdamin ng netizens mga guro sa Sarangani, pilit tumatawid ng ilog matapos masuspinde ang klase dahil sa malakas na ulan.
Isa sa mga tumindig at nagsalita ukol dito ay ang aktor na si Jake Ejercito, na matapang na tinuligsa ang gobyerno sa pamamagitan ng social media.
“Just calling this ‘heroism’ lets the government off the hook. This is plain neglect and betrayal,” ani Jake Ejercito sa kanyang X (Twitter) post.
Ang video ay kuha ni Teacher Jailene Tusan, kung saan makikita ang ilang guro mula Sitio Banlas, Barangay Kihan, Malapatan habang inaakay ng mga residente sa ilog dahil walang maayos na tulay ang lugar. Araw-araw, ganito ang kalbaryo ng mga gurong handang tumawid sa panganib para lang makapagturo sa mga kabataan.
Sa kabila ng panganib dulot ng malakas na ulan, walang tulay na maaring daanan ang mga guro sa Sarangani. Ang tanging paraan upang makauwi o makapunta sa paaralan ay ang pagtawid sa ilog nakababad sa tubig, sa gitna ng rumaragasang agos, at walang kasiguraduhan sa kaligtasan.
Ibinahagi ni Teacher Jailene Tusan ang video sa social media na agad nag-viral at umani ng simpatiya, pagkadismaya, at galit mula sa publiko.
Sa kanyang pahayag, iginiit ng aktor na ang pagturing sa mga gurong ito bilang “bayani” ay tila pagpapalusot sa tunay na problema ang kakulangan ng gobyerno sa pagbibigay ng maayos at ligtas na imprastruktura para sa mga guro at mag-aaral sa liblib na lugar.
Ang kwento ng mga guro sa Sarangani ay hindi lamang larawan ng sakripisyo, kundi repleksyon ng kakulangan sa serbisyo publiko. Hindi dapat maging normal ang pagtawid sa panganib para lamang makapagturo. At tama si Jake Ejercito hindi sapat na tawaging "bayani" ang mga guro kung patuloy silang iniiwan ng sistema.
“Panahon na para panagutin ang dapat managot. Hindi pwedeng magtiis na lang tayo palagi,” dagdag pa ni Jake.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento