Sa kabila ng hirap ng buhay at kawalan ng sariling tahanan, hindi nawala kay Tatay Carlos Orit, 67-anyos, ang malasakit sa kapwa—lalo na sa mga hayop. Mas kilala ngayon bilang ‘Tatay Carlos’, kilala siya sa kanilang lugar bilang matandang nakatira sa isang pedicab kasama ang anim niyang alagang asong inampon mula sa lansangan.
“Mula nang magkaroon ako ng kariton, sinasama ko na sila. Lahat ng makita kong aso na palaboy, kinukupkop ko. Dahil ang katuwiran ko, may buhay rin ’to, katulad ko,” emosyonal na pahayag ni Tatay Carlos.
Nawala ng tirahan si Tatay Carlos sa edad na 10 taong gulang pa lamang. Sa halip na sumuko, pinili niyang mangalakal at mamulot ng basura upang mabuhay. Tuwing gabi, sa pedicab niya natutulog kasama ang kanyang mga aso. Madalas ay tirang pagkain mula sa mga kainan ang pinagsasaluhan nilang mag-aalaga.
“Pag may pagkain, sabay-sabay kaming kumakain. Kapag wala, magtiis, basta magkasama.”
Matapos mapansin ang viral post tungkol kay Tatay Carlos, isang grupo ng mga dog lovers ang nagtulung-tulong para mapalitan ang 14-taon niyang lumang pedicab. Isang customized pedicab ang inihandog sa kanya—mas ligtas, mas maluwag, at may bubong na proteksyon sa ulan at init para sa kanya at sa mga aso.
“Hindi ko akalain na may tutulong. Salamat talaga. Hindi lang para sa akin ‘to, para ‘to sa mga alaga ko.”
“Ang aso, hindi man nakakapagsalita, pero ramdam mo kung mahal ka nila. Hindi ako nagkaanak, pero sila, parang anak ko na. Hanggang sa huli, hindi ko sila iiwan.” -Tatay Carlos
Sa simpleng buhay ni Tatay Carlos, masusukat ang tunay na pagmamahal at malasakit—hindi sa yaman o estado sa buhay, kundi sa puso at konsensya sa kapwa nilalang. Magsilbi sana siyang inspirasyon sa atin: Ang pagiging may puso, walang pinipiling edad o estado tao man o hayop, lahat karapat-dapat alagaan at mahalin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento