Nagpakita ng katatagan at kababaang-loob ang internet personality at negosyanteng si Diwata ng Pares Overload matapos ang pagkatalo ng kanyang Vendor Partylist sa katatapos na 2025 elections. Sa kabila ng pagkabigo, diretsahan at may tapang niyang tinanggap ang resulta ng halalan, at pinasalamatan ang mga sumuporta sa kanyang adbokasiya.
Sa isang social media post, ipinahayag ni Diwata ang kanyang saloobin:
"Ganon talaga, may nananalo, may natatalo. Salamat pa rin sa mga sumuporta at bumoto. Ganon talaga ang laban, hindi lahat pinapalad. Manalo o matalo, tanggap po namin 'yun.”
Hindi rin niya itinanggi ang panghihinayang, ngunit aniya, hindi rito natatapos ang kanyang layunin na ituloy ang laban para sa mga vendor at maliliit na negosyante sa bansa.
Bagama’t hindi sila pinalad na makakuha ng sapat na boto para sa kongreso, sinabi ni Diwata na hindi ito magiging hadlang para ituloy ang serbisyong taos-puso na kanyang sinimulan.
“Tanggap namin ang resulta. Pero kahit hindi kami nanalo, hindi doon natatapos ang pagtulong. Sa tindahan man o sa labas nito, tuloy ang serbisyo para sa mga vendor na kagaya ko,” dagdag pa niya.
Ipinakita ni Diwata ng Pares Overload na ang tunay na laban ay hindi lang sa Kongreso kundi sa araw-araw na pakikibaka para sa kapwa. Sa kabila ng pagkatalo ng Vendor Partylist, nanatili siyang positibo, matatag, at determinado sa kanyang misyon na ituloy ang adbokasiya para sa mga vendor.
Ang kanyang mensahe ay malinaw:
“Hindi man tayo pinalad sa boto, panalo pa rin tayo sa pagmamahalan, pagkakaisa, at tunay na layunin.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento