Advertisement

Responsive Advertisement

NEW LOOK, SAFER RIDE: MAS LIGTAS NA NAIA TERMINAL 1 DROP-OFF ZONE, INILUNSAD NA

Sabado, Mayo 10, 2025

 


Sa gitna ng mga panawagan para sa mas ligtas na biyahe at pasilidad sa mga paliparan, opisyal nang inilunsad ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) ang bagong disenyo ng drop-off zone sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).


“Hindi lang ito simpleng pagbabago sa disenyo. Isa itong paninindigan na bawat buhay ay mahalaga, at obligasyon naming siguraduhin ang kanilang kaligtasan habang nasa aming pasilidad sila.” -NNIC


Mula sa dating diagonal na layout, pinalitan na ito ng parallel drop-off design—isang hakbang na layong gawing mas maayos ang daloy ng pasahero at mas iwas-disgrasya para sa mga drayber at pasahero.


“Ang pagbabago sa layout ay bahagi ng patuloy naming pagsusumikap na gawing mas ligtas at epektibo ang karanasan ng mga pasahero,” ayon sa pahayag ng NNIC.


Ang hakbang na ito ay isinagawa matapos ang nakalulungkot na aksidente noong Mayo, kung saan isang sasakyan ang bumangga sa departure area ng Terminal 1—ikinasawi ng isang lalaki at isang bata, at ikinasugat ng apat pa.


Dahil dito, pina-audit ngayon ang lahat ng safety bollards na unang ipinatayo noong 2019 na may halagang ₱8 milyon. Inutusan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa procurement at specifications ng mga ito.


“Ang bawat detalye ng disenyo sa paliparan ay may epekto sa kaligtasan. Mula sa tamang anggulo ng daan hanggang sa lalim ng bollard—lahat ‘yan mahalaga,” dagdag ng tagapagsalita ng NNIC.


Hindi man agad nakikita ng mata ang mga pagbabagong ito, ngunit malaking hakbang ito tungo sa mas ligtas at mas episyenteng biyahe para sa lahat ng Pilipino at turista.


Ang bagong disenyo ng NAIA Terminal 1 ay simbolo ng pagkatuto mula sa nakaraan at pangakong mas pagbutihin ang serbisyo sa publiko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento